Diskurso PH
Translate the website into your language:

Batangas officials nag-boodle fight para patunayang ligtas ang isda sa Taal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-23 13:23:30 Batangas officials nag-boodle fight para patunayang ligtas ang isda sa Taal

BATANGAS, Philippines — Pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto at iba pang opisyal ng Batangas ang isang boodle fight malapit sa baybayin ng Lawa ng Taal para pawiin ang pangamba ng publiko sa kaligtasan ng mga isda mula sa lawa, kasunod ng mga ulat na ito’y umano’y ginawang tapunan ng bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Ginanap ang aktibidad sa Bayan ng Laurel sa pakikipagtulungan ng BFAR-Calabarzon at mga lokal na mangingisda. Inihain at pinagsaluhan ng mga opisyal ang tilapia, tawilis, at bangus na huli mismo sa Taal upang ipakitang ligtas itong kainin.

Ayon kay Governor Santos-Recto:“Napakalawak po ng lawa ng Taal. Kung mayroon mang isyu, maliit lang 'yan na bahagi. Nandiyan ang mga cultured fish, andiyan ang mga tawilis — huwag po kayong mag-alala.”

Tinuligsa rin niya ang ilang ulat sa media na aniya’y “sobra-sobra” at nakasisira sa kabuhayan ng libu-libong mangingisda.

Nilinaw naman ni BFAR-Calabarzon Director Sammy Malvas na ang mga isda sa lawa ay pinalalaki sa mga fish cage at pinapakain ng commercial feeds, hindi kumakain ng bangkay.

“Yung mga tilapia at bangus dito ay kinukultibo. Pinapakain ’yan ng patuka, hindi ng laman ng hayop. Natural food tulad ng lumot ang kinakain nila kung wala mang feeds,” paliwanag ni Malvas.

Dagdag pa niya, 60% ng supply ng isda sa Metro Manila ay mula sa Taal Lake, at tilapia pa lang ay 40% na ng demand ng Maynila.
“Ganoon siya kaimportante, kaya huwag po tayo matakot,” giit niya.

Nagsimula na rin ang pamahalaang panlalawigan sa pamimigay ng ₱3,000 ayuda sa bawat mangingisdang apektado. Ayon sa BFAR, mahigit 3,000 mangingisda at tindero ang nawalan ng kita dahil sa bumagsak na bentahan. Araw-araw, tinatayang 3.2 metric tons ng tawilis at 100 metric tons ng tilapia at bangus ang hinuhuli sa lawa.

Umaasa ang mga opisyal na sa pamamagitan ng boodle fight, muling manunumbalik ang tiwala ng mga mamimili at maililigtas ang industriya ng pangisdaan mula sa pinsalang dulot ng maling impormasyon at takot.