May forever sa baha! 70% ng drainage sa Metro Manila, barado na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-23 08:46:02
HULYO 23, 2025 — 70% nang hindi epektibo ang mga lumang drainage system ng Metro Manila, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Martes. Nagpapatuloy naman ang operasyon ng mga pumping station, pero barado o luma na ang karamihan sa mga daluyan ng tubig, kaya hindi na maayos ang pagdaloy ng baha, giit ni Secretary Manuel Bonoan.
“The pumping stations are working. The problem is, floodwaters can’t flow to them because the drainage system is not adequate to convey floodwaters,” Bonoan said.
(Gumagana ang mga pumping station. Ang problema, hindi na maabot ng baha ang mga ito dahil hindi na sapat ang drainage system.)
Dumaranas na rin ng malalang baha ang mga dating ligtas na lugar tulad ng Commonwealth Avenue dahil sa mga baradong inlets at sira na mga drainage links.
Pinapabilis ng DPWH ang flood control overhaul kasama ang World Bank, kabilang ang pag-ayos ng 32 pumping station at paggawa ng dalawa pang bago. Kailangan na ang agarang aksyon — mahigit 20,000 residente ng Quezon City ang naapektuhan na ng baha, na lalo pang pinalala ng mga baradong estero at umaapaw na ilog.
Pero bakit kailangan pa ng malawakang baha bago kumilos ang mga awtoridad? Inamin ng DPWH na matagal nang sira ang sistema, pero ngayon lang sinimulan ang pag-upgrade, habang abot-tuhod na ang baha at lubog na ang mga bahay. Bilyon-bilyon na ang nagastos sa flood projects, pero bakit puno pa rin ng basura ang mga daluyan?
Ang totoo, kahit gaano karaming pumping station pa ang ilagay, hindi matitigil ang baha sa Metro Manila hangga’t may korapsyon, kapabayaan, at walang pakialam ang publiko.
Karapatan ng mga Pilipino ang isang kabisera na hindi lubog sa bawat bagyo — pero narito pa rin tayo, naghihintay sa susunod na sakuna.
(Larawan: YouTube)
