Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bayani sa baha: Lalaki tumalon para sagipin ang bata, hiniling bigyan ng ₱80k

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-24 12:47:10 Bayani sa baha: Lalaki tumalon para sagipin ang bata, hiniling bigyan ng ₱80k

QUEZON CITY — Umani ng papuri mula sa netizens ang isang lalaki na walang pag-aalinlangang tumalon sa rumaragasang baha upang sagipin ang isang batang nahulog sa ginagawang kalsada sa Quezon City noong Hulyo 21. Dahil sa ipinamalas niyang kabayanihan, marami ang nananawagan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan siya ng ₱80,000 na tulong pinansyal, katulad ng ibinigay sa viral street dweller na si “Rose.”

Makikita sa video na in-upload sa Facebook page na “Viral na, Trending pa” ang lalaki na mabilis na tumalon sa baha upang iligtas ang bata. Ayon sa mga saksi, hindi na niya inalintana ang panganib sa sarili. “Salute sa Kuya na walang alinlangan na sagipin ang bata. Akala ko anak niya, pero hindi pala. Talagang bayani,” komento ng isang netizen.

Marami ang nagbigay ng suhestiyon na dapat siyang pagkalooban ng tulong mula sa gobyerno. “Kung si Rose ay nabigyan ng ₱80,000 para makapagsimula ng sari-sari store, bakit hindi ang taong literal na nagligtas ng buhay?” ayon sa isa pang komento.

Ang tinutukoy ng netizens ay ang tulong na ibinigay ng DSWD kay “Rose,” ang babaeng lumabas mula sa imburnal sa Makati City, na naging viral noong Mayo. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, “Una, hindi siya pabuya. Gusto kong linawin na ito ay parte ng programa ng pag-reintegrate sa komunidad. Kailangan matulungan natin silang magkaroon ng bagong pag-asa at makapagsimula ng bagong buhay sa pamamagitan ng economic grant.”

Ipinaliwanag din ni Gatchalian na ang halaga ng tulong ay batay sa assessment ng social worker, hindi sa popularidad ng benepisyaryo. “Yung halaga na yan, ang nagtakda niyan, hindi ako, hindi kahit sino sa departamento, kundi yung handling social worker,” aniya.

Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang DSWD kung bibigyan ng tulong ang lalaking sumagip sa bata. Gayunpaman, nanawagan ang netizens na isama sa mga benepisyaryo ng Oplan Pag-abot ang mga indibidwal na nagpapakita ng tunay na malasakit at kabayanihan sa gitna ng sakuna.

“Hindi lang dapat viral ang basehan ng tulong. Dapat kabayanihan din,” giit ng isang netizen.