Chel Diokno: "Talo ang Taumbayan, talo ang pananagutan sa pagbasura ng impeachment kay VP Sara Duterte"
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-07-26 02:57:15
Matapos ang mainit na usapin sa Kamara ukol sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, iginiit ni Atty. Chel Diokno na ang prosesong ito ay hindi paglabag sa karapatan kundi isang lehitimong hakbang tungo sa pananagutan at katotohanan.
"Impeachment is about accountability," ani Diokno sa isang pahayag. "Ang proseso ay sinunod ayon sa Konstitusyon: ang reklamo ay na-verify, inindorso ng higit sa isa’t-katlong bahagi ng Kamara, at iisang kaso lang ang kinakaharap ng Bise Presidente. Walang due process na nilabag — ang hiling lang ay ang maipresenta ang katotohanan sa taumbayan."
Gayunpaman, kasunod ng desisyon ng Kamara na ibasura ang impeachment complaint, mariing kinondena ni Diokno ang naging pasya.
“Sa desisyong ito, talo ang taumbayan. Talo ang pananagutan,” aniya. Para kay Diokno, ito ay isang pagkakataong sinayang upang papanagutin ang mga nasa kapangyarihan, at isang dagok sa demokrasya at tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Binatikos niya ang umano’y pulitikal na impluwensiyang naging dahilan ng pagkabigo ng kaso, sa kabila ng pagsunod nito sa tamang legal na proseso. "Ang impeachment ay hindi laro ng kapangyarihan. Isa itong sagradong tungkulin ng Kongreso upang tiyakin na walang sinuman—kahit mataas na opisyal—ang hindi maaaring managot."
Dagdag pa ng human rights advocate, magpapatuloy ang kanyang panawagan, kasama ang civil society at mga lider ng reporma, upang ipaglaban ang demokrasya at itaguyod ang hustisya.
“Kasama ang taumbayan, hindi tayo titigil manawagang panagutin ang dapat managot. Ang katarungan ay hindi lamang nakasalalay sa Kongreso kundi sa lakas ng sama-samang tinig ng mamamayan,” pagtatapos niya.
(Larawan, Chel Diokno Facebook)
