Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magbabalik na! Libreng sakay sa iconic na Love Bus, inanunsyo ni PBBM

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-28 18:03:41 Magbabalik na! Libreng sakay sa iconic na Love Bus, inanunsyo ni PBBM

HULYO 28, 2025 — Sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., inanunsyo niya ang muling pagbabalik ng "Love Bus" bilang libreng serbisyo para sa publiko. Una nang isinailalim ang pilot testing sa Davao at Cebu, at posibleng palawigin sa iba pang rehiyon.


''Magtatanong ako sa iba sa inyo ... Naalala ba ninyo yung tinatawag na ‘Love Bus?’ Ito 'yung popular na pampublikong bus sa Metro Manila na sinimulan noong 1970s,'' pahayag ni Marcos. “Ngayon, hindi lang natin ibabalik ang Love Bus, ito ay gagawin pa nating libre.”


Layon ng programa na magbigay ng komportableng transportasyon, lalo na sa mga manggagawa at estudyante.


Noong dekada '70, pinasinayaan ang Love Bus bilang modernong alternatibo sa pampublikong transportasyon. Ngunit napaso ito dahil sa kakulangan sa kita. Nitong 2023, sinubukan itong buhayin muli sa Makati, at ngayon, papalawakin na sa ibang lungsod.


Ang air-conditioned, kulay asul, at may puso-puso na Love Bus ay ideya ni dating First Lady Imelda Marcos at pinatatakbo noon ng Ministry of Transportation and Communications.


Ang konsepto nito ay para magbigay ng komportableng biyahe sa mga pasahero. Iba ito sa regular na bus dahil hindi ito pwedeng pahintuin kahit saan, kundi sa itinakdang bus stops lang dapat sumakay at bumaba ang mga tao.


Gawa sa reconditioned na Hino brand mula Japan, naging sariwang alternatibo ang mga ito sa mga lumang bus na may lawanit (niyog) na panakip. 


(Larawan: National Center for Transportation Studies)