Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH, direkta nang bibili ng dredging equipment para iwas korapsyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-01 11:41:01 DPWH, direkta nang bibili ng dredging equipment para iwas korapsyon

AGOSTO 1, 2025 — Nais ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iwasan na ang korapsyon sa pamamagitan ng direktang pagbili ng dredging equipment imbes na umasa sa mga kontratista, ayon kay Secretary Manuel Bonoan.


Sa isang panayam matapos ang State of the Nation Address (SONA), iginiit ni Bonoan na kailangan ng ahensya ang sariling kagamitan para sa dredging — ang pag-alis ng putik at sediment sa ilog at iba pang tubig upang maiwasan ang pagbaha.


“Kailangan po namin ng equipment na dapat kami na po ang dapat gumawa ng dredging para maiwasan po natin iyong haka-haka na noong mga araw daw, ito iyong sanhi ng mga korapsyon,” pahayag niya.


Aminado ang kalihim na naantala ang ilang proyekto dahil kulang sa makinarya, pero may nakalaang pondo para rito sa 2026 National Expenditure Program.


Binanggit din niya na inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang auditing team para siyasatin ang lahat ng flood control projects, kasama na ang mga dredging contract. Hindi lang kasalukuyang administrasyon ang sasailalim sa imbestigasyon kundi pati na rin ang mga nakaraang proyekto.


Giit pa ni Bonoan, marami sa mga kasalukuyang imprastraktura ay hindi na sapat upang harapin ang mas malalakas na bagyo at baha sa kasalukuyang panahon.


Kailangan din umanong i-update ang disenyo ng flood control infrastructure dahil sa mas matinding epekto ng climate change. 


“Babaguhin po namin siguro iyong mga disenyo rin po ng ating mga imprastraktura ngayon,” aniya.


Matapos pagbantaan ni Marcos ang mga tiwaling opisyal sa SONA, sinigurado ng DPWH na tututukan nila ang transparency sa mga darating na proyekto.


(Larawan: Philippine News Agency)