Total parking ban sa Metro Manila streets, hinihingi ng grupo ng abogado
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-03 13:01:24
AGOSTO 3, 2025 — Isang grupo ng mga abogado ang naninindigan para sa kumpletong pagbabawal ng street parking sa Metro Manila, anuman ang oras, bilang solusyon sa matinding trapik at panganib sa kalye. Ayon kay Albert Sadili, tagapagsalita ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), dapat ipatupad ang umiiral nang batas — ang Republic Act 4136 — na nagbabawal sa pagpa-park sa mga pampublikong daan.
“Street parking should be prohibited at all hours, not just during rush hours. Illegally parked vehicles are a persistent obstruction not only to traffic flow but also to emergency services,” giit ng LCSP.
(Dapat ipagbawal ang street parking sa lahat ng oras, hindi lang sa rush hours. Ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan ay patuloy na hadlang, hindi lang sa daloy ng trapiko, kundi pati sa mga emergency services.)
Tinutulan ng grupo ang mga lokal na ordinansa na nagpapahintulot ng street parking, na anila’y labag sa pambansang batas.
Noong nakaraang pulong ng Metro Manila Council, iminungkahi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang ban sa araw (5 AM–10 PM), habang ang MMDA ay nagrekomenda ng rush hour ban (7–10 AM, 5–8 PM).
Ngunit para sa LCSP, kailangan ang mas radikal na hakbang: total ban, kasabay ng pag-ayos sa public transport at pagpapatupad ng parking space requirement bago makabili ng sasakyan.
Kung mapatutupad, kaya kayang sumunod ng Pinoy? Sa isang bansang sanay sa "pwede na yan" at "diskarte," posible bang sumunod ang mga motorista sa total parking ban?
(Larawan: Philippine News Agency)
