2-taong gulang bata patay sa pagkuyog ng bubuyog sa Zamboang del Sur
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-04 09:14:23
AURORA, ZAMBOANGA DEL SUR — Isang 2-taong gulang na batang lalaki ang nasawi matapos kuyugin ng daan-daang bubuyog habang nasa maisan sa Barangay San Juan, Aurora, Zamboanga del Sur noong Agosto 2.
Kinilala ang biktima sa pangalang Ace Leandro, na isinama ng kanyang lolo na si Leonardo Alivio sa pag-aani ng mais. Ayon sa ulat ng Zamboanga del Sur Police, naglalaro ang bata sa di kalayuan nang bigla siyang atakihin ng bubuyog. “Nagulantang ang matanda na walang nagawa para maisalba ang kaniyang apo sa atake ng mga bubuyog na pinaniniwalaang nabulabog sa paglalaro ng bata,” ayon sa ulat.
Sinubukan pa ng lolo na takpan ang bata upang siya na lamang ang pupugpugin ng mga bubuyog, ngunit hindi ito naging sapat upang mapigilan ang insidente. Tinulungan ng mga kapitbahay ang matanda upang maisugod ang bata sa pagamutan, ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsala mula sa mga tusok ng bubuyog.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, hindi inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na nahulog sa sapa ang bata habang tinatakasan ang mga bubuyog, na maaaring nakaambag sa kanyang pagkamatay.
Ang biktima ay alaga ng kanyang mga lolo’t lola mula pa nang siya’y ipanganak, dahil ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa Maynila at nagpapadala lamang ng panggastos para sa anak at mga magulang.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay, habang nakaburol na ang bata sa kanilang tahanan.
