Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magpa-full tank na! Presyo ng krudo, lolobo sa Agosto 5

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-04 13:08:00 Magpa-full tank na! Presyo ng krudo, lolobo sa Agosto 5

AGOSTO 4, 2025 — Magbabayad nang mas malaki ang mga motorista simula bukas, Agosto 5, matapos magpahayag ang mga oil company ng malaking paglundag ng presyo sa gasolina, diesel, at kerosene. Ayon sa Shell at Seaoil, tataas ang halaga ng gasolina ng P1.90 bawat litro, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.00.


Ito ang ikaapat na sunod na linggo ng pagsirit para sa diesel at kerosene, habang ang gasoline ay nakaranas lamang ng P0.10 rollback noong nakaraang linggo.


Ayon sa Department of Energy (DOE), ang pag-igting ng global supply ang dahilan, bunga ng mga sanction ng US sa Russia at Iran, pati na rin ang patuloy na tensiyon sa Red Sea. Dagdag pa rito, umurong ang gasoline inventory sa US habang sumisiklab ang demand, na nagpapalala sa sitwasyon.


Ayon din sa DOE-Oil Industry Management Bureau, nagdudulot ng pangamba sa suplay ng langis ang kasalukuyang mga sanction at patuloy na digmaan sa iba't ibang panig ng mundo.


Sa kabuuan ng taon, sumipa na sa P11.20 ang total increase sa gasolina at P14.25 sa diesel — pinakamataas na halaga simula 2024. Gayunpaman, suspendido ang price hike sa mga lugar na nasa state of calamity, kung saan ipinatutupad ang 15-day price freeze sa lahat ng petroleum products.


Inaasahang maglalabas din ng advisory ang ibang oil companies sa mga susunod na oras.


(Larawan: Philippine News Agency)