Mahigit 18,000 iskolar, patuloy na suportado ni Gov. Sol sa 2nd semester; bagong slots i-aanunsiyo sa Nobyembre
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-05 06:14:34
LAGUNA — Hindi bibitawan ni Governor Sol ang pangarap ng mahigit 18,000 iskolar na sinimulan sa ilalim ng nakaraang administrasyon, matapos niyang kumpirmahin na tuloy na tuloy pa rin ang kanilang scholarship grants para sa darating na second semester.
“Kailanman, walang kinalaman ang pangarap ng mga batang ’yan na makapagtapos sa pag-aaral sa pulitika,” ani gobernador, bilang pagtitiyak na matatanggap pa rin ng mga benepisyaryo ang kanilang cash assistance sa pagpasok ng ikalawang bahagi ng taon.
Kasabay nito, inanunsiyo rin ni Gov. Sol na magbubukas ng panibagong batch ng mga iskolar, kung saan ilalabas ang kumpletong detalye ng aplikasyon ngayong darating na Nobyembre. Ang pangunahing pamantayan sa pagpili ng bagong scholars ay ang pagpasa sa qualifying exam na pangangasiwaan ng Provincial Scholarship Division.
Ikinagalak ng maraming estudyante at magulang ang pahayag ng gobernador, na itinuturing itong mahalagang hakbang upang mapanatili ang edukasyon sa gitna ng tumataas na gastusin.
“Malaking ginhawa ito sa amin lalo na sa mga magulang na kapos ang kita,” pahayag ng isang magulang na mayroong anak na kasalukuyang scholar.
Nagpaabot naman ng paalala ang Kapitolyo sa mga interesadong aplikante na maghanda ng mga kinakailangang dokumento, tulad ng report card, certificate of indigency, at iba pang requirements na ilalabas sa Nobyembre.
Sa kabila ng pagbabago sa pamunuan, iginiit ni Gov. Sol na nananatili ang commitment ng probinsya sa pagsusulong ng edukasyon bilang pangunahing armas laban sa kahirapan: “Hangga’t may batang nangangarap, hindi hahayaan ng pamahalaan na sila’y mawalan ng pag-asa.”
Inaasahang lalabas ang opisyal na guidelines at petsa ng examination sa mga susunod na linggo, habang tuloy ang pagproseso ng grants ng kasalukuyang 18,000 scholars para sa second semester.
(Larawan at Source: Sol Aragones)
