Siksikan sa PGH! ER, lagpas 400% na sa kapasidad – heto ang mga ospital na pwedeng puntahan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-05 11:16:00
AGOSTO 5, 2025 — Ang Philippine General Hospital (PGH) ay kasalukuyang puno na ng pasyente, na umaabot na sa 400% lampas sa kapasidad nito, ayon sa opisyal na pahayag ng ospital. Sa isang Facebook post, inanunsyo ng PGH na pansamantalang hindi na tatanggap ng mga bagong pasyente ang kanilang emergency room (ER) maliban sa mga kritikal na kaso.
"Nais naming ipaalam sa inyo na ang aming Emergency Room ay kasalukuyang higit na sa kapasidad dahil sa mataas na bilang ng mga pasyenteng dumarating," ayon sa pahayag. "Sa ngayon, hinihikayat namin kayong maghanap muna ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyo sa inyo."
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, ang ER ng ospital na may kapasidad para sa 75 katao ay nakapagtala na ng humigit-kumulang 300 pasyente sa nakalipas na mga araw.
"As of the last census, marami pong mga pasyente ang nakatayo, marami po ay nag-se-share ng stretcher at ang medyo mabigat pong problema ay ubos na po iyong oxygen ports," dagdag niya.
Itinuturong dahilan ang biglaang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis, pneumonia, sepsis, at iba pang komplikasyon mula sa mga chronic illness tulad ng diabetes at sakit sa puso.
"Nagkaroon tayo ng ilang araw na masungit na panahon. Umuulan, bumabagyo. Sa Maynila, bumaha. So may mga pasyente kaming nagka-leptospirosis. Marami hong nagkaroon ng lower respiratory tract infection, pneumonia," paliwanag ni Del Rosario. “Ang sabi sa akin ng mga ER doctors kanina, marami rin po iyong may sepsis.”
Sa gitna ng krisis, ipinatupad ng PGH ang 'Code Triage' kung saan ang mga kritikal na pasyente lamang ang uunahin. Nagbabala rin ang ospital sa mga nagpapadala ng pasyente mula sa ibang health facility nang walang koordinasyon.
Bilang tugon, inanunsyo ni Health Secretary Ted Herbosa na handang tumanggap ng mga pasyente mula sa PGH ang mga DOH hospitals at apat na GOCC hospitals. Narito ang kumpletong listahan:
Caloocan:
Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital
Las Piñas:
Las Piñas General Hospital
Malabon:
San Lorenzo Ruiz General Hospital
Mandaluyong:
National Center for Mental Health
Manila:
Jose Fabella Memorial Hospital
Jose R. Reyes Memorial Medical Center
San Lazaro Hospital
Tondo Medical Center
Marikina:
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
Muntinlupa:
Research Institute for Tropical Medicine
Pasig:
Rizal Medical Center
Quezon City:
East Avenue Medical Center
National Children's Hospital
Philippine Orthopedic Center
Quirino Memorial Medical Center
Lung Center of the Philippines
National Kidney and Transplant Institute
Philippine Heart Center
Philippine Children's Medical Center
Valenzuela:
Valenzuela Medical Center
Hinikayat ng PGH ang publiko na pumili muna sa mga nabanggit na ospital para mapabilis ang serbisyo at maiwasan ang mas matinding pagdagsa sa kanilang pasilidad. Samantala, patuloy ang monitoring ng DOH sa sitwasyon.
(Larawan: Philippine General Hospital)
