Asong sinabuyan ng asido, nagpapagaling na sa General Santos: Netizens, galit na galit
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-06 08:48:46
GENERAL SANTOS CITY — Patuloy na nagpapagaling si Kano, ang asong sinabuyan ng asido sa mukha, matapos siyang sagipin ng animal rescue group na Heart for Paws sa lungsod na ito, ayon sa ulat ng Philippine Star. Sa kabila ng matinding pinsala, nananatiling masigla at matatag si Kano habang sumasailalim sa gamutan.
Ang kaso ni Kano ay agad na kumalat sa social media at umani ng matinding simpatiya at galit mula sa netizens. Marami ang hindi napigilang maglabas ng emosyon at pagkadismaya sa kalupitang sinapit ng inosenteng hayop.
“Kawawa ka naman Kano, karmahin ka sa ginawa mo sa aso kung sino ka man!” ani ng isang netizen sa comment section ng Facebook. “Pagkain lang hinihingi nila, bakit kailangan saktan sila nang ganyan?”
Ang ilan pa ay nanawagan ng hustisya at mariing hiniling na mapanagot ang may kagagawan ng karumaldumal na krimen.
“Gusto humimas ng rehas ang gumawa niyan! Mga hindi na natuto,” komento pa ng isa. “I'm sure makakarma din siya sa ginawa niya, at masahol pa ang mangyari sa kanya. Maraming salamat po sa Heart for Paws sa pag-rescue at pagpapagamot kay Kano. More blessings will come.”
Si Kano ay sinasabing tinamaan ng asido sa bahagi ng kanyang mukha, ngunit sa kabila nito, siya ay nagpapakita ng tibay at lakas ng loob, bagay na mas lalong nagpapaantig sa puso ng publiko.
Ayon sa Heart for Paws, patuloy ang kanyang gamutan at nangangailangan pa rin ng suporta para sa mga medikal na pangangailangan ni Kano. Dahil dito, hinikayat ng mga netizens ang publiko na tumulong at mag-donate sa shelter upang matulungan hindi lamang si Kano kundi pati ang iba pang mga asong na-rescue mula sa kalupitan.
“Thank you, Heart for Paws Gensan. Please support this shelter po, marami sila rescue na strays,” ani pa ng isang netizen.
Sa gitna ng galit at pagkabigla, naging malinaw ang isang mensahe: ang mga hayop ay may damdamin din at karapat-dapat na mabuhay nang may dignidad at respeto. Ang kasong ito ay isang malungkot na paalala ng patuloy na laban para sa karapatan ng mga hayop sa bansa—isang laban na kailangang panagutan ng may sala, at suportahan ng bawat mamamayan.
(Source: Kami.com.ph)
(Larawan: Google)
