Halos 400 sako ng bigas nabubulok sa bodega, hindi naipamahagi sa mga mahihirap sa Mandaue
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-06 09:43:40
MANDAUE CITY — Halos 400 sako ng bigas mula sa Sugbo Merkado Barato (SMB) program ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu ang naiwan at ngayo’y nagkakalikab sa isang bodega sa Barangay Tawason, Mandaue City. Ang mga bigas, bahagi ng P20 kada kilong rice subsidy program, ay nakatakda sanang ipamahagi sa mga mahihirap na residente ngunit hindi naibenta o naipamahagi mula pa noong 2023.
Ayon kay Stella Alocillo, supervisor ng City Social Welfare and Services (CSWS) Relief Goods Division, “We were forced to stop selling the rice due to the election ban. However, the program was never resumed afterward because the rice had already changed in appearance and it looked unconsumable. The stocks remained in storage”.
Ang SMB program ay inilunsad noong Nobyembre 28, 2023, at sinimulan sa Mandaue noong Enero 16, 2024. Layunin nitong magbigay ng abot-kayang bigas sa mga indigent residents na may SMB QR code cards, kung saan bawat benepisyaryo ay pinapayagang bumili ng dalawang kilo kada linggo. Ngunit ayon kay CSWS head Dr. Michael Pielago, maraming hadlang ang nagpabagal sa bentahan: “Ang expenses sa beneficiaries, dako gihapon tungod sa plete,” aniya, ukol sa hirap ng mga taga-mountain barangay na bumiyahe para sa maliit na dami ng bigas.
Bukod sa limitadong listahan ng mga kwalipikadong mamimili, naging isyu rin ang kalidad ng bigas. Marami ang nagreklamo sa hitsura at lasa nito, dahilan upang bumaba ang demand. Dahil dito, isinentralisa ang bentahan sa Mandaue City Hall at CSWS office, mula sa dating mobile caravan setup.
Sa kasalukuyan, iniutos ni Mayor Thadeo “Jonkie” Ouano ang agarang inspeksyon ng City Health Office at City Agriculture Office upang matukoy kung ligtas pa itong kainin. “Ang point ni mayor, sayang ang resources ba,” pahayag ni City Administrator Atty. Gonzalo Malig-on, na nagsabing pinag-aaralan na rin ng City Legal Office ang mga susunod na hakbang.
Kung mapatunayang ligtas pa ang bigas, ito ay ipamamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Kung hindi, ito ay itatapon alinsunod sa tamang protocol. Sa kabila ng layuning tumulong sa mga mahihirap, nananatiling hamon ang epektibong implementasyon ng mga subsidy program kung walang sapat na koordinasyon, logistics, at flexibility sa pamamahagi.
Larawan mula sa MSN
