Lalaking lasing, nasagip sa ilog sa Sta. Mesa, Manila
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-06 23:47:52
Sta. Mesa, Maynila — Isang lalaki ang ligtas na nasagip mula sa ilog sa Sta. Mesa nitong nakaraang araw matapos itong bumaba sa tubig habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak. Agad na rumesponde ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Medical Response Team sa koordinasyon ng San Juan City DRRMO at Quezon City DRRMC, upang tiyakin ang kaligtasan ng lalaki at maiwasan ang trahedya.
Ayon sa ulat ng mga nakasaksi sa insidente, napansin nilang dahan-dahang bumaba sa gilid ng ilog ang lalaki. Noong una’y inakala ng ilan na baka may hinahanap lamang ito, ngunit kalaunan ay napansin nilang tila wala ito sa tamang katinuan kaya’t agad silang tumawag ng tulong.
Nang maabot ng mga rescuers ang lalaki at masuri ng mga medical responders, kumpirmadong ito ay nasa impluwensiya ng alak. Sa kabila ng delikadong sitwasyon, maingat siyang naiahon mula sa ilog nang walang tinamong malubhang pinsala.
Lubos ang pasasalamat ng mga residente sa mabilis na pagtugon ng mga emergency units mula sa tatlong lungsod. Sa isang pahayag, hinikayat ng Manila DRRM Office ang publiko na maging maingat at iwasan ang paglalakad o paglapit sa mga panganib na lugar gaya ng ilog, lalo na kung nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.
“Ang ganitong insidente ay maaaring magdulot ng trahedya kung hindi agad natugunan. Mabuti na lamang at maagap ang ating mga responders,” pahayag ng isang residente.
Para sa kahit anong uri ng emergency, pinaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na maaaring tumawag sa mga numerong ito:
0932-662-2322
0950-700-3710
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa kahalagahan ng pagiging alerto at responsableng mamamayan upang mapanatiling ligtas ang bawat isa sa komunidad.
(Larawan: Manila DRRM Office)
