LTO, magpapamahagi ng mga plaka para sa motorsiklo bukas sa SM North Edsa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-07 12:27:29
AGOSTO 7, 2025 — Bukas, Agosto 8, magkakaroon ng plate distribution caravan ang Land Transportation Office (LTO) para sa mga motorista na hindi pa nakakakuha ng plaka. Gaganapin ito mula 3 pm hanggang 5 pm sa 5th-floor motorcycle parking area ng SM North Edsa sa Quezon City.
Ayon sa LTO, layunin ng caravan na mapabilis ang pagbibigay ng plaka sa mga rehistradong motorsiklo. Dinala na rin ang ganitong programa sa iba’t ibang lugar sa bansa para mas maraming motorista ang mabigyan.
Kailangan dalhin ng mga pupunta ang mga sumusunod:
Original at kopya ng Official Receipt o Certificate of Registration
Valid ID ng may-ari
Deed of Sale (kung hindi pa nakapangalan sa bagong may-ari ang motor)
Tiniyak ng LTO na plates lamang ng motorsiklo ang ipo-proseso sa caravan.
Nitong Hulyo, inanunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon na naresolba na ang 11-taong backlog sa paggawa ng plaka para sa mga motorsiklo sa bansa.
Pahayag ng ahensiya, patuloy ang kanilang efforts para maabot ang lahat ng motorista, lalo na sa mga lugar na malayo sa LTO offices.
Pinapayuhang agad na pumila ang mga qualified na motorista para maiwasan ang paghaba ng pila. Walang bayad ang pagkuha ng plaka sa caravan.
(Larawan: Land Transportation Office)
