Diskurso PH
Translate the website into your language:

Konsehal ng Ibajay, Aklan, haharap sa ‘murder’ charges matapos pagbabarilin ang bise alkalde

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-10 12:50:01 Konsehal ng Ibajay, Aklan, haharap sa ‘murder’ charges matapos pagbabarilin ang bise alkalde

AGOSTO 10, 2025 — Isang konsehal ng Ibajay, Aklan ang nakakulong ngayon matapos umano’y barilin ang bise alkalde ng bayan sa loob mismo ng Sangguniang Bayan Office noong Biyernes. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Mihrel Senatin, miyembro ng lokal na konseho, na agad dinakip sa kanyang bahay pagkatapos ng insidente.


Ayon sa mga saksi, pumasok si Senatin sa tanggapan at hiningi ang kopya ng mga ordinansa bago bigla nitong tinanong ang bise alkalde na si Julio Estolloso: "Vice, anu ang saea kimu?" 


(Ano’ng kasalanan ko sa’yo?). 


Pagkatapos, hinugot nito ang baril at pinagbabaril ang biktima. May mga empleyado na nakasaksi sa buong pangyayari.


Napatay si Estolloso sa tama ng bala sa dibdib, habang siyam na basyo ng bala at ang ginamit na 9 mm pistol ay nakuha sa crime scene. Sinabi ni Ibajay Police Chief Maj. Rajiv Salvino na sinusuri pa kung valid ang permit ng baril, bagamat inamin ni Mayor Jose Miguel Miraflores na lehitimo ang lisensya ni Senatin.


“Malungkot pa rin kami at shocked pa rin ang karamihan sa nangyari noong Biyernes,” pahayag ni Miraflores. “Sa loob ng konseho, may debate naman talaga, pero labas dun, wala namang isyu na naging personal. Mostly professional naman sila.”


Dagdag pa niya, magpapatupad na ng mas mahigpit na seguridad sa munisipyo, kasama na ang psychological aid para sa mga traumatized na empleyado.


Kinondena naman ni PRO6 Chief BGen. Josefino Ligan ang insidente, na nagsabing, “This unfortunate incident is deeply concerning, especially as it involves individuals who serve the public in positions of trust.”


(Ang malungkot na pangyayaring ito ay lubhang nakababahala, lalo na't sangkot dito ang mga indibidwal na naglilingkod sa publiko sa mga posisyon ng tiwala.)


“Let us allow the due process of law to take its course while we work toward maintaining peace and order in the region,” dagdag pa niya.


(Hayaan nating umusad ang tamang proseso ng batas habang patuloy tayong nagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.)


Kasong murder ang ihahain sa suspek.


(Larawan: Facebook)