Diskurso PH
Translate the website into your language:

DILG, Ipinagbawal ang Online Sugal sa lahat ng kawani at opisyal ng LGU

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-12 14:44:39 DILG, Ipinagbawal ang Online Sugal sa lahat ng kawani at opisyal ng LGU

MANILA – Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit na pagbabawal sa lahat ng kawani ng ahensya, mga attached bureaus at offices, gayundin sa lahat ng inihalal at itinalagang opisyal ng mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng access o lumahok sa anumang uri ng online gambling platform at iba pang anyo ng online na sugal.

Batay sa Memorandum Circular 2025-082 na nilagdaan ni DILG Secretary Juanito Victor Remulla noong Agosto 12, 2025, sinumang lalabag sa kautusan ay maaaring humarap sa administrative at/o criminal sanctions alinsunod sa 1987 Konstitusyon at Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ayon sa kautusan, sakop ng direktiba ang lahat ng empleyado at opisyal sa ilalim ng DILG at mga attached agencies nito, pati na ang lahat ng inihalal at itinalagang lokal na opisyal sa buong bansa.

Binigyang-diin ng DILG na ang patakaran ay ipatutupad kaagad upang mapanatili ang integridad at kredibilidad ng mga lingkod bayan, at maiwasan ang anumang gawain na makasisira sa tiwala ng publiko. Dagdag pa rito, layon ng pagbabawal na maiwasan ang pagkalulong sa sugal na maaaring makaapekto sa trabaho at serbisyong ibinibigay sa mamamayan.

Courtesy: Department of the Interior and Local Government Facebook Page