Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hostage incident sa Baliwag Public Market, dalawa sugatan; suspek arestado

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-13 23:32:03 Hostage incident sa Baliwag Public Market, dalawa sugatan; suspek arestado

Baliwag, Bulacan — Isang hostage incident ang naganap sa Baliwag Public Market sa Barangay Poblacion madaling-araw ng Miyerkules, Agosto 13, na nagdulot ng takot sa mga residente at mga nagtitinda sa palengke. Ayon sa Baliwag City Police Station, bandang 1:43 a.m. nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa kaguluhan sa loob ng palengke.

Kinilala ang suspek na si Brando, 46 anyos, mangingisda at residente ng Barangay Poblacion. Base sa imbestigasyon, bigla umanong umatake si Brando gamit ang kutsilyo. Una niyang sinaksak sa ulo ang isang vendor na kinilalang si Lenie, 25 anyos, bago tinaga ang isang security guard na si Vince, 48 anyos. Matapos nito, kinuha niya ang isang menor de edad na bata at ginawang hostage.

Agad rumesponde ang mga pulis at nagtangka ng negosasyon upang mapasuko ang suspek. Tumagal ang tensyon habang hawak pa ng suspek ang kutsilyo at ang bata. Sa gitna ng sitwasyon, sinamantala ni Police Master Sergeant Francis Damian ang pagkakataon na makalapit at maagaw ang kutsilyo mula sa suspek, dahilan upang agad itong ma-neutralize at maaresto.

Dinala sa ospital ang vendor at security guard para sa agarang gamutan, habang ang menor de edad na hostage ay ligtas na nailigtas at nasa pangangalaga ng kanyang pamilya. Ang suspek naman ay isinailalim sa medical check-up bago dinala sa himpilan ng pulisya.

Kakaharapin ni Brando ang kasong Attempted Homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Child Protection Law. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng suspek, habang tiniyak ng lokal na pamahalaan na paiigtingin ang seguridad sa pamilihan upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap.

Larawan mula sa Facebook