Staff ng isang gadget store, patay matapos looban sa loob ng tindahan sa Cabuyao, Laguna
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-13 18:20:17
CABUYAO, LAGUNA – Trahedya ang sinapit ng isang 27-anyos na babaeng empleyado ng isang Gadget Shop matapos umanong pagsasaksakin ng isang lalaking hinihinalang nanloob sa kanilang tindahan sa Barangay Mamatid, Cabuyao City.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas “Jona,” residente ng nasabing lungsod. Batay sa inisyal na imbestigasyon, mag-isa lamang siya sa loob ng shop nang mangyari ang krimen. Nakatawag pa umano siya sa kanyang manager para magbigay ng babala, ngunit ilang minuto lang matapos iyon ay natagpuan na siyang nakahandusay at duguan sa sahig.
Ayon sa awtoridad, tatlong malalalim na saksak ang tinamo ng biktima sa katawan. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara nang dead on arrival.
Hinimok ng mga awtoridad ang mga may negosyo na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad, kabilang ang mas malinaw na CCTV coverage, pagkakaroon ng silent alarm, at pag-iwas na mag-iwan ng iisang staff sa tindahan lalo na sa oras na kakaunti ang tao sa paligid.
Patuloy ang panawagan sa publiko na agad magsumbong sa pulisya kung may impormasyon ukol sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng salarin.
