'B.A.D. Yan!' campaign: QC schools, todo atake na vs bullying
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-14 16:00:01
AGOSTO 14, 2025 — Ang Quezon City government at Department of Education (DepEd) Schools Division Office ng lungsod ay nagtulungan para ilunsad ang isang malawakang kampanya laban sa bullying at diskriminasyon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.
Tinawag itong "B.A.D. (Bullying at Diskriminasyon) 'Yan!", na naglalayong puksain ang anumang pang-aabuso at gawing mas ligtas ang mga eskuwelahan para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, "Every student deserves to learn in an environment where they are respected, heard, and protected."
(Karapatan ng bawat mag-aaral ang matuto sa isang kapaligiran kung saan sila'y iginagalang, pinakikinggan, at pinoprotektahan.)
Hindi lang pisikal o verbal na pambu-bully ang tutugunan ng kampanya, kundi pati na rin ang cyberbullying — isang malaking hamon lalo na sa panahon ngayon. Layunin din nitong sugpuin ang diskriminasyon base sa kasarian, relihiyon, itsura, o kapansanan.
"The fight against bullying is not won by schools alone. It takes the collective effort of families, communities, and leaders to shape an environment where respect and kindness prevail," dagdag ni Belmonte.
(Hindi lang paaralan ang dapat lumaban sa bullying. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng pamilya, komunidad, at mga lider upang buuin ang isang mundong nananaig ang respeto at kindness.)
Suportado ang programa ng DepEd Quezon City, na nagsabing maglalabas sila ng mga hakbang para masigurong epektibo ang kampanya.
"Schools are the second home of our students, and it is our duty to keep them safe," pahayag ni Schools Division Superintendent Carleen Sedilla.
(Ang mga paaralan ang pangalawang tahanan ng ating mga mag-aaral, at tungkulin nating siguraduhing ligtas sila rito.)
Hinikayat din ang mga mag-aaral at magulang na mag-report ng anumang insidente sa school authorities o sa QC Helpline 122.
"We will do everything we can to keep our schools places where every learner is respected and protected. B.A.D. ‘Yan! is a message that is simple to remember, yet powerful enough to inspire change," giit ni Sedilla.
(Gagawin namin ang lahat upang panatilihing ligtas at iginagalang ang bawat mag-aaral sa ating mga paaralan. Ang 'B.A.D. Yan!' ay simpleng mensahe, ngunit sapat ang lakas upang magdulot ng pagbabago.)
Ang kampanya ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng lungsod na gawing inclusive at safe ang lahat ng paaralan sa QC.
(Larawan: Philippine News Agency)
