Ina, arestado matapos ibenta ang anak online sa halagang P45K
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-16 09:34:07
TANAUAN, BATANGAS — Isang ina ang inaresto ng mga awtoridad sa loob ng ospital sa Tanauan matapos tangkang ibenta ang kanyang dalawang linggong gulang na sanggol online sa halagang ₱45,000, ayon sa ulat ng 24 Oras ni Marisol Abdurahman noong Biyernes.
Sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), isang undercover agent ang nagbayad ng ₱25,000 para sa hospital bills at ₱20,000 bilang bayad sa umano’y “adoption” ng sanggol. Bukod sa sanggol, nailigtas din ng mga operatiba ang isa pang anak ng suspek — isang taong gulang na itinuturing ding child-at-risk.
“Ang inaalok niya lang talaga ay ’yung two-weeks-old na baby boy. But then nakita namin na may one-year-old na child-at-risk, so ni-rescue na rin ng aming team,” pahayag ni Police Major Shari Vanessa Deseo, public information officer ng PNP-WCPC.
Sa panig ng ina, emosyonal niyang ipinaliwanag ang dahilan ng kanyang ginawa. “Hindi ko naman po talagang gustong mangyari ’yan sa anak ko, kasi single parent po ako. Napilitan lang po ako kasi gusto kong mabayaran ’yung bill namin kasi wala akong mapagkukunan,” aniya.
Ayon sa PNP-WCPC, ang pagbebenta ng sanggol online ay isang paglabag sa batas at may mabigat na kaparusahan. “Ang penalty na imposable dito ay pwedeng life imprisonment depende sa gravity ng offense… Hindi lang ’yung nagbebenta ng baby ang napaparusahan dito, but also ’yung bumibili ng mga babies na wala po sa proseso,” babala ni Deseo.
Ang dalawang anak ng suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), habang ang ina ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Ayon sa ulat ng Smart Parenting, tumataas ang bilang ng mga kasong online baby selling sa bansa, kadalasan sa pamamagitan ng mga pribadong Facebook groups. Mula 2022, mahigit 11,000 illegal sites ang naitala, kabilang ang mga nag-aalok ng online sabong at casino games, na ginagamit din bilang platform para sa ilegal na transaksyon ng mga bata.
Ang insidenteng ito ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na monitoring sa digital platforms at mas malawak na suporta para sa mga magulang na nasa krisis upang maiwasan ang ganitong uri ng desperadong hakbang.
