SWS: Antas ng gutom sa pamilyang Pilipino, bumaba sa 16.1%
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-16 09:34:06
MANILA — Bumaba sa 16.1% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger o gutom na walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa Second Quarter 2025 Social Weather Survey (SWS) na isinagawa noong Hunyo 25–29, 2025.
Ang bagong datos ay mas mababa ng 3.9 puntos kumpara sa 20.0% na naitala noong Abril 23–28, 2025, at malayo sa 27.2% noong Marso. Ayon sa SWS, “The 2025 average of 19.9% was 0.3 points lower than the 2024 average of 20.2%, and 1.2 points lower than the record-high 21.1% average of 2020 during the COVID-19 pandemic”.
Ang 16.1% hunger rate ay binubuo ng:
12.8% Moderate Hunger — mga pamilyang nakaranas ng gutom “Only Once” o “A Few Times” sa nakalipas na tatlong buwan
3.3% Severe Hunger — mga pamilyang nakaranas ng gutom “Often” o “Always” sa parehong panahon
Sa regional breakdown, pinakamataas ang hunger incidence sa Metro Manila at Visayas (parehong 21.7%), sinundan ng Balance Luzon (15.3%) at Mindanao (9.7%). Ang pagbaba sa Mindanao ay kapansin-pansin — mula 26.3% noong Abril ay bumagsak ito ng 16.6 puntos.
Bagama’t bumaba ang hunger sa Mindanao at Balance Luzon, bahagyang tumaas ito sa Metro Manila (+1.4 puntos) at Visayas (+2.0 puntos). Sa Visayas, tumaas ang Severe Hunger mula 1.3% sa Abril tungo sa 4.7% nitong Hunyo.
Ayon sa SWS, “At any single point in time, hunger is usually higher among the Poor. From quarter to quarter, however, the hunger rates among the poor and the non-poor may change, either upward or downward. Hunger is highest among the food-poor”.
Sa parehong survey, 49% ng mga pamilya ang nag-rate sa sarili bilang Mahirap, 10% bilang Borderline, at 41% bilang Hindi Mahirap. Sa aspeto ng pagkain, 41% ang nag-rate sa sarili bilang Food-Poor.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. May ±3% margin of error sa national percentages at ±6% sa bawat rehiyon.
