Pagbili ng P10 kada kilo ng basura, isinusulong sa Caloocan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-18 10:19:13
MANILA — Upang tugunan ang patuloy na problema sa basura at pagbaha sa Metro Manila, iminungkahi ni Caloocan City Representative Dean Asistio ang pagbili ng segregated na basura mula sa mga residente sa halagang P10 kada kilo.
Ayon kay Asistio, na siyang Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, layunin ng panukala na baguhin ang pananaw ng publiko sa basura at hikayatin ang mas aktibong partisipasyon sa waste management.
“Everyone knows that garbage has been the major cause of floods in the Metro. One of the main issues here is the indiscriminate throwing of waste by undisciplined citizens. This is a behavioral issue, and one of the most effective ways to change behavior involves giving rewards instead of penalties,” pahayag ng kongresista.
Dagdag pa niya, “P10/kilo is reasonable. Lesser than this may insult instead of inspire our target families to collect, segregate, and sell their garbage. At 20kls, at least the seller can bring home P200, enough for one simple family meal. We recommend that this buying price be minimum”.
Iminungkahi ni Asistio na ang lokal na pamahalaan o ang mga kinontratang garbage collectors ang maaaring bumili ng basura. Sa halip na gumastos ng malaki ang gobyerno sa paglilinis ng mga baradong daluyan ng tubig, mas mainam aniya na ilaan ang pondo sa mga mamamayan na direktang apektado ng problema.
Bukod sa panukalang insentibo, inanunsyo rin ni Asistio na magsasagawa ng pagdinig ang kanyang komite kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
“Bahay, buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ang apektado ng mga matinding pagbaha at lalala pa ito dahil sa climate change. Ang matindi po rito, may ilan pang umano’y nagpapasasa dito. As the President already mentioned, we will ensure public accountability here,” dagdag pa niya.
Ang panukala ay nakatakdang talakayin sa Kongreso sa mga susunod na linggo, habang umaasa ang mga environmental advocates na ito ay magiging hakbang patungo sa mas epektibong waste management system sa bansa.
