Sen. Robin Padilla: ‘Annual drug test para sa lahat ng opisyal ng gobyerno, kabilang ang pangulo.’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-18 23:39:42
AGOSTO 18, 2025 — Naghain ng panukalang batas si Senador Robinhood Padilla na naglalayong ipatupad ang taunang mandatory drug testing para sa lahat ng opisyal ng pamahalaan—mula sa lokal na antas hanggang sa pambansa, kabilang na mismo ang Pangulo ng Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang ito, sakop ang lahat ng halal at itinalagang opisyal, gayundin ang mga nasa government instrumentalities at government-owned and controlled corporations (GOCCs), maging ang mga opisyal na naka-assign sa ibang bansa.
Ayon kay Padilla, ang panukala ay hakbang upang matiyak na walang sinuman sa gobyerno ang nakalulusot o exempted sa mga batas laban sa ilegal na droga. “Dapat malinaw sa publiko na ang mga lingkod-bayan ay malinis at walang itinatagong bisyo na maaaring makaapekto sa kanilang tungkulin,” giit ng senador.
Dalawang uri ng pagsusuri ang gagamitin:
Hair follicle test – para matukoy ang uri at haba ng paggamit ng droga.
Urine drug test – magsisilbing confirmatory test upang tiyakin ang resulta.
Batay sa panukala, sinumang opisyal na magpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay maaaring masampahan ng administratibong kaso, na maaaring humantong sa suspensyon o tuluyang pagtanggal sa pwesto, alinsunod sa umiiral na batas. Binigyang-diin ni Padilla na mahalaga ang ganitong sistema upang maitaguyod ang integridad at kredibilidad ng pamahalaan. Aniya, ang tiwala ng taumbayan ay nakasalalay sa pagiging malinis at tapat ng kanilang mga lingkod-bayan.
Kung maisasabatas, ito ang magiging kauna-unahang panukalang nag-oobliga ng taunang drug testing para sa lahat ng antas ng pamahalaan, kabilang ang pinakamataas na posisyon ng bansa. (Larawan: Robin Padilla / Fb)
