₱250M dike sa Oriental Mindoro gumuho makalipas lang ang 7 buwan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-20 09:26:21
ORIENTAL MINDORO — Nasira ang isang ₱250 milyong dike sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro, pitong buwan lamang matapos itong maitayo noong Abril 2024. Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, halos kalahati ng 220-meter na istruktura ay bumagsak noong Disyembre dahil sa malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Ang dike ay itinayo upang mapigilan ang madalas na pagbaha sa lugar, ngunit ayon sa mga residente ng Barangay Santa Cruz, mas lumala pa ang sitwasyon. “Sabi sa amin hindi na babahain, libre na kami sa baha. Mas malaking baha ang mangyayari sa amin, pati ang aming taniman, nalulubog,” ayon kay Marcelo Almanon, isang lokal na residente.
Sinabi ni Raymar Lonto mula sa engineering department ng Baco na kulang ang taas ng disenyo ng flood control system. “Ang proposal dapat dito ay dahil sabi nga ng mga taga rito ay matataas ang baha, dapat mas matataas yung design ng flood control,” aniya.
Sa kasalukuyan, nagsimula na ang contractor sa pagkukumpuni ng nasirang bahagi ng dike, ngunit hindi pa rin malinaw kung babaguhin ang disenyo. “Kung same ang design siguro baka po maging ganun ulit, baka bumagsak ulit,” babala ni Lonto.
Samantala, binatikos ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang iba pang substandard na flood control projects sa Naujan, isang lugar na hindi naman flood-prone. “Bakit nasabi kong substandard? Of course, ₱561,000 per linear meter tapos ganyan ang result,” ani Dolor.
Nag-utos na rin si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ng masusing technical at financial audit sa mga nasabing proyekto. “We have to go through intensive technical and financial audit on these projects in Oriental Mindoro and as well as in other areas,” pahayag ni Bonoan.
Ang Oriental Mindoro ay kabilang sa mga probinsyang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon para sa flood control projects, na umaabot sa ₱11.1 bilyon. Sa kabila nito, nananatiling hamon ang kalidad at epektibong implementasyon ng mga proyekto sa lalawigan.
