Sampal sa MMDA: 1,300+ traffic violations sa paligid ng La Salle Green Hills
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-20 11:32:11
AGOSTO 20, 2025 — Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamunuan ng La Salle Green Hills (LSGH) na mas paigtingin ang kanilang mga patakaran sa trapiko matapos umabot sa 1,341 ang naitalang paglabag sa paligid ng paaralan sa loob lamang ng isang buwan.
Ayon sa ahensya, ang mga paglabag na nakuha mula Hulyo 11 hanggang Agosto 14 sa pamamagitan ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ay pangunahing dahil sa ilegal na pagpaparada, pag-obstruct sa daan, at bawal na pagbaba at pagsakay ng mga sasakyan sa mismong Ortigas Avenue. Nangyayari ang mga ito sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga mag-aaral.
Sa isang liham noong Agosto 18, binigyang-diin ni MMDA Chairman Romando Artes na ang mga umuulit na paglabag na ito ang sanhi ng matinding traffic sa nasabing major thoroughfare at nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga commuter.
“These violations directly contribute to severe traffic congestion, compromising not only the efficient flow of vehicles but also public safety and commuting welfare along this major thoroughfare,” pagbibigay-diin ni Artes.
(Ang mga paglabag na ito ay diretsong nakapag-aambag sa matinding trapiko, na nako-kompromiso hindi lamang ang maayos na daloy ng mga sasakyan kundi pati na rin ang kaligtasan ng publiko at kapakanan ng mga commuter sa mahalagang daang ito.)
Iginiit ng MMDA na nangyari ang mga paglabag na ito sa kabila ng naunang mga pag-uusap sa pagitan ng ahensya at ng paaralan ukol sa mga isyu sa trapiko sa lugar.
Bukod sa mahigpit na paalala sa paaralan, hinikayat din ni Artes ang mas maigting na koordinasyon sa pagitan ng MMDA at LSGH para bumuo ng mga stratehiya upang maibsan ang congestion at matiyak ang kaligtasan ng mga road user.
Noong Hulyo, nagsagawa na ng pagpupulong ang MMDA kasama ang mga pangunahing paaralan sa Metro Manila, kabilang ang LSGH, upang talakayin ang mga solusyon sa mga kilalang choke points.
(Larawan: AutoIndustriya)
