Konektadong Pinoy Bill, tuluyan nang naging batas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-24 18:32:48
AGOSTO 24, 2025 — Hindi na kailangan ng prangkisa o Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) ang mga bagong papasok sa industriya ng data transmission matapos tuluyang maging batas ang Konektadong Pinoy Bill, ayon sa Malacañang.
Kinumpirma ni Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Linggo na awtomatikong naging batas ang panukala matapos hindi lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa loob ng itinakdang panahon.
“Lapsed into law na po,” ani Castro sa mensahe sa media.
Bagamat layunin ng batas na palawakin ang internet access sa bansa, mariing tinutulan ito ng mga pangunahing grupo sa telekomunikasyon gaya ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO) at Philippine Association of Private Telecommunications Companies (PAPTELCO).
Babala ng PCTO, posibleng magdulot ito ng banta sa pambansang seguridad, pagluwag sa regulasyon, at pagkalito sa sektor.
Nagpahayag ng pagtutol ang PLDT Inc. at Globe Telecom. Nais ng PLDT na huwag sana itong lagdaan ng Pangulo, at kung sakaling maisabatas, nakatakda silang dumulog sa korte upang kuwestyunin ang legalidad ng panukala.
Samantala, iminungkahi ng Globe na ibalik muna ito sa Kongreso upang mapag-aralan pa nang mas malalim at mapino ang mga probisyon bago ito tuluyang ipatupad.
Suportado ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang batas, ngunit iginiit nitong hindi nito isinusugal ang seguridad o kapakanan ng publiko. Nilinaw rin ng ahensya na hindi nito pinapahina ang mandato ng National Telecommunications Commission (NTC).
Saklaw pa rin ng mga umiiral na batas ang mga banyagang kompanyang nais pumasok sa sektor, kabilang ang Foreign Investments Act of 1991 at Public Service Act, na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na suriin ang mga ito kung may implikasyong pang-seguridad.
Sa kabila ng layuning mapabilis ang internet connectivity sa bansa, nananatiling hati ang pananaw ng mga stakeholder sa epekto ng bagong batas.
(Larawan: Department of Information and Communications Technology)
