Kilalanin: Batangas solon Leandro Leviste tumanggi sa suhol ng DPWH engineer
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-25 16:52:25
BATANGAS — Si Leandro Antonio Legarda Leviste, 32, ay kasalukuyang kinatawan ng Batangas 1st District at isa sa pinakabatang miyembro ng Kongreso. Kilala siya bilang anak ni Senadora Loren Legarda at dating Batangas Governor Antonio Leviste, ngunit higit pa rito, siya ay isang negosyanteng nagtatag ng Solar Philippines, ang pinakamalaking solar energy company sa bansa.
Nag-aral si Leviste ng Political Science sa Yale University, isa sa mga pinaka-prestihiyosong pamantasan sa Estados Unidos. Bagama’t hindi niya natapos ang kurso, ang kanyang karanasan sa Yale ay naging mahalagang bahagi ng kanyang paghubog bilang lider.
Habang nag-i-intern sa Meralco noong summer break, na-engganyo siya sa industriya ng renewable energy matapos mabighani sa mga kumpanya ni Elon Musk gaya ng Tesla at SolarCity.
Aniya, “Last summer, I saw this opportunity, companies in the US and Europe are doing the same thing, but no one was doing this in the Philippines where the electricity rates are so much higher, so I said, someone has to take this opportunity right now”.
Itinatag niya ang Solar Philippines noong 2013 sa edad na 21, at kalaunan ay naging pinakabatang chairman ng isang publicly listed firm sa Philippine Stock Exchange.
Noong Agosto 22, 2025, naging laman ng balita si Leviste matapos niyang isailalim sa entrapment operation ang DPWH Batangas 1st District Engineer na si Abelardo “Abe” Calalo. Ayon sa pulisya, tinangkang suhulan si Leviste ng P3.1 milyon upang itigil ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects sa kanyang distrito.
Sa kanyang pahayag, mariing sinabi ni Leviste, “We should not tolerate any corruption in DPWH, we should demand projects at better quality and lower cost, and obligate contractors to correct any deficiencies immediately without additional cost to government”.
Ang operasyon ay isinagawa sa Barangay Poblacion, Taal, Batangas, kung saan naaresto si Calalo at narekober ang pera mula sa tangkang suhol. Nahaharap ngayon si Calalo sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod sa insidenteng ito, si Leviste ay aktibong nagsusulong ng reporma sa DPWH. Kamakailan, iminungkahi niyang ilipat ang P275 bilyong pondo para sa flood control projects patungo sa Department of Education upang magpatayo ng mga bagong silid-aralan.
Si Leviste ay nahalal noong Mayo 2025, tinalo si dating Rep. Eric Buhain sa pinakamalaking margin sa kasaysayan ng Batangas, na may 268,764 boto laban sa 91,588. Ang kanyang plataporma ay nakatuon sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya sa mga bayan ng Nasugbu, Lian, Calatagan, Tuy, Balayan, Lemery, Taal, at lungsod ng Calaca.
Sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon sa DPWH, si Leviste ay naging simbolo ng kabataang lider na may tapang, prinsipyo, at malalim na pag-unawa sa mga sistemang pampamahalaan at pang-ekonomiya. Tulad ng sinabi ni Senador Panfilo Lacson, “My snappy salute to neophyte Cong. Leandro Leviste, may his tribe increase.”
Larawan mula sa LinkedIn