Diskurso PH
Translate the website into your language:

163 mula sa kabuuang 401 na piraso ng buto ng tao na natagpuan sa Taal Lake, wala paring tumugma sa DNA

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-27 22:22:34 163 mula sa kabuuang 401 na piraso ng buto ng tao na natagpuan sa Taal Lake, wala paring tumugma sa DNA

Agosto 27, 2025 — Isang nakakabahalang update ang lumabas kaugnay ng kaso ng mga missing sabungeros, matapos ibunyag ng Department of Justice (DOJ) na umabot na sa 401 human skeletal remains ang narekober mula sa Taal Lake. Ang impormasyon ay nagmula sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group at inilatag sa pagdinig ng House committee on human rights nitong Miyerkules, Agosto 27.

Ayon kay DOJ Assistant Secretary Eliseo Cruz, mula Hulyo 10 hanggang kasalukuyan ay nakarekober ang Philippine Coast Guard ng 401 skeletal remains mula sa 17 lokasyon sa paligid ng lawa. Subalit sa isinagawang DNA testing sa 163 piraso ng buto, wala pang tumutugma sa 29 sample na ibinigay ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungeros.

Ayon kay PNP Forensic Group Director Brig. Gen. Danilo Bacas, marami sa mga buto ang hindi na magagamit dahil sa matinding pagkasira. Nagsimula ang malawakang operasyon matapos lumabas ang testimonya ng isang whistleblower, dating empleyado umano ni businessman Atong Ang, na nagsabing itinapon at nilubog sa lawa ang mga biktima.

Naging mitsa rin ng mas malawak na imbestigasyon ang pagkakadiskubre ng isang sako na naglalaman ng sinunog na mga buto, na kinumpirmang kabilang ang ilan ay human remains. Mula noon, tuluy-tuloy ang operasyon ng PNP at Coast Guard sa Taal Lake.

Matatandaang nagsimula ang kontrobersyal na kaso mahigit apat na taon na ang nakararaan, nang ilang sabungero ang misteryosong nawala matapos umalis mula sa iba’t ibang sabungan. Kaugnay ito sa operasyon ng e-sabong na kalauna’y ipinasara ng gobyerno dahil sa mga anomalya at kaso ng pagkawala.

Sa gitna ng patuloy na operasyon at mga lumulutang na pangalan—kabilang ang kay Atong Ang at dating aktres na si Gretchen Barretto—naninindigan ang mga pamilya ng mga nawawala sa kanilang panawagan: hustisya at malinaw na sagot kung ano ang tunay na nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay. (Larawan: Google)