Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cong. Reynan Arrogancia, isinusulong ang ‘Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) Act’ para sa maliliit na negosyante

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-28 23:34:27 Cong. Reynan Arrogancia, isinusulong ang ‘Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) Act’ para sa maliliit na negosyante

MANILA — Naglabas ng panukalang batas si Congressman Reynan Arrogancia na layong palakasin ang suporta ng pamahalaan para sa mga maliliit na negosyante sa bansa. Ang nasabing panukala, na tinawag na Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) Act o House Bill 529, ay naglalayong magbigay ng abot-kayang financing program para sa micro at small enterprises (MSEs).

Ayon kay Cong. Arrogancia, mahalaga ang pagbibigay ng pantay na oportunidad sa lahat ng Pilipino upang matiyak na “sa pag-unlad ng bayan, walang dapat maiwan.” Kabilang sa mga pangunahing layunin ng panukala ang:

  • pagbibigay ng suporta sa maliliit na negosyante,

  • paglikha ng mas maraming kabuhayan, at

  • pagsusulong ng inklusibong pag-unlad.

Ipinaliwanag ng mambabatas na madalas ay hirap ang maliliit na negosyo na makakuha ng pondo mula sa bangko dahil sa mataas na interes at istriktong requirements. Sa pamamagitan ng P3 Act, mabibigyan ng mas magaan at abot-kayang pautang ang mga negosyante, na makatutulong upang mapalago ang kanilang negosyo at makalikha ng dagdag na trabaho sa kani-kanilang komunidad.

Dagdag pa ni Arrogancia, ang tunay na kaunlaran ng bayan ay nakasalalay sa pag-angat ng bawat mamamayan. Kung maiaangat ang maliliit na negosyo, masusustentuhan ang mas malawak na pag-asenso para sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, umaasa ang kongresista na makakakuha ng malawak na suporta mula sa kapwa mambabatas upang maisabatas ang P3 Act at maisakatuparan ang adhikain nitong inklusibong kaunlaran para sa mga Pilipino. (Larawan: Reynan Arrogancia / Fb)