Bus na nawalan ng preno, sumalpok sa 8 sasakyan sa Commonwealth — 10 sugatan!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-29 08:43:43
AGOSTO 29, 2025 — Sampung katao ang nasaktan matapos salpukin ng isang pampasaherong bus ang walong sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Barangay Commonwealth, nitong Huwebes ng umaga, Agosto 28.
Ayon sa paunang ulat ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU), bandang 6:55 a.m. nang mawalan ng kontrol ang bus habang pababa mula sa Litex. Kinumpirma ng konduktor na pumalya ang preno ng sasakyan.
Unang tinamaan ng bus ang isang Toyota Corolla sedan, na naging sanhi ng domino effect sa iba pang sasakyan: isang Isuzu UV Express van, anim na motorsiklo, isang modernong jeepney, at isang tradisyunal na jeepney. Bukod sa mga sasakyan, nadamay rin ang tent ng Bureau of Animal Industry at ang bakod ng ginagawang MRT-7 Doña Carmen Station.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng emergency services upang iligtas ang mga naipit sa banggaan. Isa sa mga pasahero ng modernong jeepney ang nahirapang ilabas dahil sa pagkakaipit ng kanyang binti.
Dinala ang mga nasugatan sa Rosario Maclang Bautista General Hospital at Commonwealth Hospital. Wala pang opisyal na ulat ukol sa kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan.
Kinilala ang tsuper ng bus sa alyas na “Ronaldo,” 36 taong gulang, residente ng San Jose del Monte, Bulacan. Kasalukuyang inihahanda ng Quezon City Police District (QCPD) ang kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon kay P/Lt. Col. Geofrey Lim ng DTEU, maaaring reckless imprudence resulting in multiple damage to property and multiple physical injuries ang isasampa sa kanya.
Nagpaalala naman si QCPD acting director P/Col. Randy Glenn Silvio sa mga motorista na mag-ingat nang husto sa Commonwealth Avenue dahil isa ito sa pinakaabala at mapanganib na kalsada sa Metro Manila.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may pananagutan pa ang operator ng bus at kung may iba pang naging sanhi ng aksidente.
(Larawan: YouTube)
