Populasyon ng Quezon, umabot na sa mahigit 1.98-milyon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-29 00:02:35
QUEZON — Umabot sa 1,980,338 ang kabuuang populasyon ng lalawigan ng Quezon (hindi kabilang ang Lungsod ng Lucena) batay sa pinakahuling 2024 Census of Population (POPCEN) ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ang datos ay tumutukoy sa aktuwal na bilang ng mga naninirahan sa Quezon noong Hulyo 1, 2024, ganap na alas-12:01 ng umaga.
Ayon sa ulat, tumaas ng 29,879 katao o 1.53% ang populasyon ng Quezon kumpara sa 1,950,459 na naitala noong 2020 Census of Population and Housing (CPH). Gayunpaman, bumagal ang taunang population growth rate (PGR) ng lalawigan sa 0.37% mula 2020 hanggang 2024, mas mababa kumpara sa 1.04% na naitala noong 2015–2020.
Sa tala ng PSA, nananatiling pinakamataong distrito ang Ikalawang Distrito ng Quezon. Nangunguna sa listahan ang bayan ng Sariaya na may 172,018 residente, sinundan ng Candelaria (137,933), Lungsod ng Tayabas (113,318), at Tiaong (107,666).
Samantala, nanatiling pinakamaliit ang populasyon sa mga bayang nasa dulo ng probinsya — Perez (13,052), Plaridel (10,866), at Jomalig (7,884), na pawang kabilang din sa may pinakamababang populasyon sa buong Region IV-A (CALABARZON).
Ayon sa PSA, magsisilbing batayan ang mga bagong datos sa pagbalangkas ng mga programa at polisiya para sa mas maayos na pamamahagi ng pondo at serbisyo publiko, lalo na sa mga larangan ng edukasyon, kalusugan, at imprastraktura. (Larawan: PSA Region IV Quezon / Fb)
