Municipal Hall ng Mulanay, Quezon, nasunog
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-30 15:36:44
Mulanay, Quezon — Nasunog bago mag-umaga nitong Sabado, Agosto 30, ang municipal hall ng bayan ng Mulanay, Quezon kung saan ilang mahahalagang opisina ng lokal na pamahalaan ang tinupok ng apoy.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-1:30 hanggang alas-2 ng madaling-araw sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) na nakatabi sa Public Information Office (PIO). Sa loob lamang ng ilang minuto, kumalat ang apoy at tinamaan din ang iba pang tanggapan kabilang ang Tourism, Culture and Arts Office, 4Ps Office, Local Water System Office, at Human Resource Management Office.
Bagama’t nakapagtala ng malaking pinsala sa mga gusali at kagamitan, kinumpirma ng mga awtoridad na walang nasugatan sa insidente. Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng BFP upang makontrol ang apoy at maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang bahagi ng gusali.
Sinabi ni Mayor Aris Aguirre na agad na makikipagpulong ang lokal na pamahalaan upang magtakda ng pansamantalang paglilipatan ng mga naapektuhang opisina. Aniya, mahalagang matiyak na hindi maaantala ang pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Mulanay sa kabila ng pinsalang dulot ng sunog.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng apoy at ang tinatayang halaga ng mga nawasak na ari-arian. Kabilang sa mga sisilipin ay kung may mga dokumentong naapektuhan na kritikal para sa operasyon ng mga opisina, gaya ng mga rekord mula sa Comelec at Human Resource Management Office.
Samantala, umaasa ang mga empleyado at residente na agad maibalik ang normal na operasyon ng kanilang lokal na pamahalaan habang patuloy ang hakbang para sa rehabilitasyon ng nasunog na municipal hall.
Photo via Councilor Gelo Amisola FB
