Deserved: Lalaking nag-viral dahil sa stunt video sa pampublikong kalsada, suspendido ang lisensya
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-03 22:23:11
MANILA — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang rider na nakuhanan sa isang viral video habang nagsasagawa ng mapanganib na motorcycle stunts sa pampublikong kalsada.
Ayon kay LTO Chief, Asec. Vigor D. Mendoza II, nakalap na ng ahensya ang mga kinakailangang impormasyon na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng show cause order (SCO) laban sa nakarehistrong may-ari ng naturang motorsiklo.
Bagama’t hindi pa batid kung ang mismong may-ari ang nasa video, sinabi ni Mendoza na kailangan pa ring magpaliwanag ang may-ari kung bakit walang nakakabit na plaka ang kaniyang motorsiklo.
Base sa ulat, nakita ng LTO social media monitoring team ang viral video kung saan makikitang nagmamaneho ng isang beige Honda motorcycle ang rider, walang plaka, at gumagawa ng mga stunts, pagsasayaw, at iba pang mapanganib na gawain habang nasa kalsada.
“There is a proper place for this and certainly, public roads are not included,” diin ni Mendoza, sabay giit na posibleng maharap ang rider sa mga kasong Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na may parusang hanggang tuluyang pagbawi ng lisensya.
Kasabay nito, kinasuhan din ang rehistradong may-ari ng Failure to Attach Motor Vehicle License Plate.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, nakasaad na isinailalim na sa “alarm” ang motorsiklo at inaatasan ang may-ari na magsumite ng nakasulat na paliwanag at humarap sa LTO Central Office sa darating na Setyembre 9.
Kapag natukoy ang tunay na rider, ipatutupad ang 90-day preventive suspension.
“Failure to appear and submit the verified or sworn comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your rights to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” nakasaad sa kautusan.
(Larawan: LTO Philippines / Fb)
