28 mamahaling sasakyan ng pamilya Discaya, hawak na ng BOC
Marijo Farah A. Benitez  Ipinost noong 2025-09-04 17:36:08 
            	SETYEMBRE 4, 2025 — Hawak na ng Bureau of Customs (BOC) ang kabuuang 28 luxury vehicles na konektado sa pamilya Discaya, kasunod ng magkahiwalay na pagsuko at pagsalakay sa isang compound sa Pasig.
Labing-anim na sasakyan ang boluntaryong isinuko ng pamilya, habang 12 pa ang nakuha ng BOC sa bisa ng search warrant sa loob ng St. Gerrard Construction compound noong Miyerkules. Ang nasabing lugar ay pag-aari ng mga Discaya.
Kabilang sa mga nakumpiskang sasakyan ang mga modelo ng Mercedes Benz, Land Rover, Cadillac, Ford, BMW, Jaguar, Porsche, Volvo, at dalawang all-terrain vehicles. Lahat ng ito ay isinailalim na sa sealing at dokumentasyon, habang iniimbestigahan pa ang legalidad ng kanilang pagpasok sa bansa.
Ayon sa BOC, katuwang nila ang Land Transportation Office sa mas malalim na pagsusuri sa mga sasakyan, lalo na’t may kaugnayan umano ang pamilya Discaya sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control ng pamahalaan.
“We are committed to pursue the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr., to combat smuggling, protect government revenues, and ensure accountability through lawful customs processes,” pahayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
(Nakatuon kami sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na labanan ang smuggling, protektahan ang kita ng gobyerno, at tiyakin ang pananagutan sa pamamagitan ng legal na proseso ng customs.)
Binigyan ng BOC ng sampung araw ang mag-asawang Pacifico at Cezarah Rowena Discaya upang magsumite ng mga dokumento kaugnay sa pagbili ng 12 sa mga sasakyan.
“They have 10 days to prove their innocence, that they are the real buyers in good faith. So we will base our investigations and conclusions based on the documents,” dagdag ni Nepomuceno sa isang panayam.
(May sampung araw silang patunayan ang kanilang pagiging inosente, na sila ang tunay na bumili nang may mabuting hangarin. Doon ibabase ang aming imbestigasyon at konklusyon.)
Target ng BOC na tapusin ang beripikasyon sa susunod na linggo.
(Larawan: YouTube)
