Pangalan nina Vico Sotto, Sandro Marcos lumutang sa usaping pagbaba ng age requirement ng mga kandidato
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-04 14:06:13
SETYEMBRE 4, 2025 — Lumutang ang mga pangalan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa gitna ng panukalang ibaba ang minimum age requirement para sa mga nais tumakbo bilang pangulo, bise presidente, at senador.
Pinangunahan ni Deputy Speaker Paolo Ortega ang paghahain ng Resolution of Both Houses No. 2 na naglalayong magbuo ng constitutional convention upang talakayin ang pagbabago sa edad ng kwalipikasyon sa mga nabanggit na posisyon. Sa panukala, ibababa ang minimum age para sa pangulo at bise presidente mula 40 pababa sa 35, habang ang sa senador ay mula 35 pababa sa 30.
Sa isang panayam, tinanong si Ortega kung may nakikita siyang mga batang lider na maaaring makinabang sa panukala. Agad niyang binanggit sina Sotto, 36, at Marcos, 31. Pagsapit ng halalan sa 2028, magiging 38 na si Sotto at 34 si Marcos — pasok sa bagong age limit kung sakaling maaprubahan ang pagbabago.
“Maraming possible diyan. Maraming maraming up and [coming] na young executives, young congressmen,” ani Ortega. “And it's hard to to answer for them, but right now, nakita niyo naman yung wave of popularity ni Kuya Vico Sotto.”
Dagdag pa niya, “Sandro Marcos is up and coming and is young.”
(Si Sandro Marcos ay umaangat at bata pa.)
Nilinaw ni Ortega na hindi siya nage-endorso ng sinuman para sa 2028, kundi nais lamang niyang buksan ang diskusyon sa mas inklusibong pamumuno.
“At the end of the day we're not looking at the personalities, eh. We're looking at the institution to create a more vibrant atmosphere, vibrant brand of public servants,” paliwanag niya.
(Sa huli, hindi personalidad ang tinitingnan natin kundi ang institusyon para makalikha ng mas masigla at makabago na klase ng mga lingkod-bayan.)
(Larawan: Facebook)
