Diskurso PH
Translate the website into your language:

Angel Aquino biktima ng deepfake porn! Aktres humarap sa Senado, nanawagan ng hustisya

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-05 09:03:44 Angel Aquino biktima ng deepfake porn! Aktres humarap sa Senado, nanawagan ng hustisya

MANILA — Matapang na humarap sa Senado ang aktres na si Angel Aquino matapos mabiktima ng isang deepfake pornographic video na ginamitan ng kanyang mukha. Sa pagdinig ng Senate Committee on Women noong Setyembre 4, 2025, ibinahagi ni Aquino ang matinding emosyon at trauma na kanyang dinanas nang malaman ang tungkol sa pekeng video.

“Then, it was disgust and anger for being violated as a person in a revolting and humiliating way,” pahayag ni Aquino sa harap ng mga mambabatas.

Ayon sa aktres, isang kaibigan ang nagpaabot sa kanya ng balita tungkol sa video. Una siyang nakaramdam ng pagkahilo, pagkalito, at matinding pagkabigla. Tinawag niya ang insidente bilang isang “digital assault” na walang pisikal na pasa ngunit lubos na nakakasira ng dignidad.

“It was digital assault – one that leaves no bruises on the skin, but strips away one’s dignity in the most obscene manner imaginable,” dagdag pa ni Aquino.

Nanawagan si Aquino sa mga awtoridad na agad kumilos upang mapanagot hindi lamang ang mga gumagawa ng deepfake content, kundi pati ang mga nagbabahagi, nagre-repost, at kumikita mula sa mga ito. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na batas laban sa cyber pornography at deepfake exploitation.

“Accountability must be total because the damage multiplies with every click, every share, every view,” giit ng aktres habang nananawagan ng hustisya.

Binanggit din ni Aquino na hindi siya nag-iisa sa ganitong uri ng pag-abuso. Ayon sa impormasyon mula sa tanggapan ni Senadora Risa Hontiveros, may iba pang personalidad na maaaring nabiktima rin ng deepfake ngunit hindi pa nila ito nalalaman.

Sa gitna ng pag-usbong ng artificial intelligence (AI) technology, lumalakas ang panawagan para sa regulasyon at proteksyon ng digital identity ng bawat Pilipino. Ang insidente ni Aquino ay nagsisilbing babala sa publiko ukol sa mga panganib ng deepfake at ang pangangailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan.