Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga bumbero naparesponde sa peke at Ai na ulat ng sunog sa Tondo

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-05 22:14:58 Mga bumbero naparesponde sa peke at Ai na ulat ng sunog sa Tondo

Manila – Nagkagulo nitong Huwebes ng umaga, Setyembre 4, matapos sumugod ang apat na fire truck sa Manila International Container Terminal (MICT) sa Tondo, Maynila dahil sa natanggap na ulat ng isang nasusunog na trailer truck.


Ayon kay Fire Volunteer Chief Samuel Fenix, dakong alas-10:00 ng umaga nang may magpadala ng litrato sa kanilang group chat na nagpapakita umano ng nag-aapoy na truck sa Barangay 20, Parola. Dahil sa pangamba na lumala ang sitwasyon, agad silang nagpadala ng mga tauhan at sasakyan upang apulahin ang apoy.


Ngunit pagdating sa lugar, tumambad sa kanila ang isang nakaparadang truck na wala namang nasusunog. Sa isinagawang beripikasyon, natuklasan na AI-generated ang litratong ipinadala at hindi totoong insidente.


Binigyang-diin ni Fenix na seryosong usapin ang pagpapakalat ng maling impormasyon lalo na kung may kinalaman sa mga emergency. Aniya, hindi lamang nasasayang ang oras at pondo ng mga bumbero, kundi nalalagay rin sa panganib ang kanilang buhay dahil sa pagmamadali sa pagresponde. Dagdag pa niya, maaari ring maapektuhan ang pagtugon sa mga aktwal na sunog kung mauubos ang resources sa mga huwad na alarma.


Umaasa ang opisyal na matutukoy ang taong nasa likod ng maling ulat upang managot sa batas. Nakasaad sa regulasyon na ang sinumang mahuhuling nagpapakalat ng pekeng impormasyon kaugnay ng insidente ng sunog ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱50,000 at posibleng harapin ang iba pang kasong kriminal.


Nagbabala rin si Fenix sa publiko na maging responsable sa paggamit ng teknolohiya, lalo na ngayong laganap ang mga larawan at bidyong gawa ng artificial intelligence na madaling makapanlinlang. Aniya, mahalaga ang pagtitiyak muna sa kredibilidad ng impormasyon bago ito ipakalat upang hindi magdulot ng kalituhan at disgrasya.


Larawan mula sa Facebook