Sunog sa Lucban public market, tindahan ng pasalubong tinupok.
Ipinost noong 2025-09-06 22:00:10
Lucban, Quezon — Nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente at tindero ang sunog na sumiklab sa Lucban Public Market kagabi, Setyembre 5, sa pagitan ng alas-10:30 hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ayon sa inisyal na ulat, nagsimula ang apoy sa isang tindahan ng mga pasalubong na karaniwang dinarayo ng mga turista. Mabilis na kumalat ang apoy ngunit agad ring naapula dahil sa maagap na pagresponde ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lucban, sa pangunguna ni FSINSP Richard C. Villa.
“Sa mabilis na koordinasyon at pagtutulungan ng ating mga tauhan, nakontrol agad ang sunog bago pa ito lumaki at makaapekto sa mas maraming stalls,” pahayag ni Villa.
Wala namang naitalang nasawi o nasaktan sa insidente, subalit tinatayang ilang tindahan ang nasunog at nagdulot ng pinsala sa kabuhayan ng mga maliliit na negosyante. Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng danyos at ang sanhi ng sunog.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang mga residente sa mabilis na aksyon ng mga bumbero na nakapagligtas sa mas malawak pang bahagi ng palengke. Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy kung electrical fault o iba pang dahilan ang pinagmulan ng insidente.
Ang Lucban Public Market ay kilalang pasyalan para sa mga bumibili ng pasalubong tulad ng longganisang Lucban, matamis na kakanin, at iba pang lokal na produkto. Sa ngayon, pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng palengke habang isinasagawa ang imbestigasyon at clearing operations.
larawan/facebook
