BOC: di wastong bayad sa buwis ng ilang sasakyan ng mga Discaya, iniimbestigahan na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-07 13:07:32
SETYEMBRE 7, 2025 — Sinisilip ngayon ng Bureau of Customs (BOC) ang posibleng hindi tamang pagbabayad ng buwis at taripa sa ilang mamahaling sasakyan na konektado sa pamilya Discaya.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, may paunang ulat na nagpapakitang may mga sasakyang hindi dumaan sa tamang proseso ng importasyon.
“Sa initial report, meron na pong hindi tama ang pagbabayad … kaya lang pinapa-validate ko lang po,” pahayag ni Nepomuceno sa isang panayam.
Dagdag pa niya, “May initial reports na may mga dokumentong wala na dapat ay nandoon … registered siya dapat doon sa ganoong proseso, subalit wala.”
Noong Huwebes, boluntaryong isinuko ng pamilya Discaya ang 16 luxury cars, bukod pa sa 12 sasakyang naunang nasamsam ng mga awtoridad sa compound ng St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corp. sa Pasig City. Ang pagsuko ay kasunod ng pag-amin ni Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee na siya ang may-ari ng isang Rolls Royce at iba pang mamahaling sasakyan.
Kasalukuyang iniinspeksyon ng BOC ang mga sasakyan upang matukoy kung tugma ang mga dokumento sa aktwal na unit.
“’Yung mga dokumento, pagtutugmain natin ang mga dokumento ng BOC, registration sa LTO,” giit ni Nepomuceno. “Hindi kami titigil sa dokumento lang. Kailangan 'yung mismong dokumento tumugma sa makikita namin sa sasakyan mismo.”
Binalaan din ng ahensya ang sinumang sangkot sa pagpasok ng mga sasakyang walang tamang papeles at bayad. Ayon sa BOC, mananagot ang sinumang nagpahintulot sa pagpasok ng mga ito sa bansa.
Inaasahang ilalabas ang paunang ulat ng BOC sa Martes, Setyembre 9.
(Larawan: Bureau of Customs PH | Facebook)
