Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pantay na sahod sa buong bansa, pagbuwag sa Regional Wage Boards, muling isinusulong sa kongreso

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-07 22:46:34 Pantay na sahod sa buong bansa, pagbuwag sa Regional Wage Boards, muling isinusulong sa kongreso

Setyembre 7, 2025 – Muling binuhay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panawagan para sa pagkakaroon ng iisang minimum wage sa buong bansa at tuluyang pagbuwag sa mga regional wage boards.


Ayon kay Rep. Eli San Fernando ng Kamanggagawa Party-list, panahon nang magkaroon ng pambansang pamantayan sa pasahod dahil hindi makatarungan na iba-iba ang minimum wage depende sa rehiyon. Giit niya, “pareho lang ang pagod at trabaho ng bawat manggagawa, kaya nararapat lamang na pare-pareho rin ang kanilang sahod.”


Kaugnay nito, muling itinulak ang mga panukalang batas tulad ng House Bill 55 o Equal Pay for Equal Work Act, na naglalayong ipatupad ang isang pambansang minimum wage at alisin ang kapangyarihan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs). Sa ilalim ng naturang panukala, ililipat sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang mga tungkulin ng mga regional wage board.


May iba ring panukalang nakahain na naglalayong magtakda ng mas mataas na antas ng sahod, kabilang na ang P1,200 minimum wage bill na inihain ng Makabayan bloc. Batay sa kanilang pagsusuri, ang halagang ito ay mas malapit sa tinatawag na “living wage” o sahod na sapat para sa disenteng pamumuhay ng isang pamilya.


Sa kasalukuyan, nananatiling magkakaiba ang minimum wage sa bawat rehiyon, kung saan pinakamataas ito sa Metro Manila at pinakamababa sa mga probinsya. Ito umano ang nagiging dahilan ng mas malaking agwat sa kita ng mga manggagawa at nagdudulot ng patuloy na kahirapan sa mga lalawigan.


Tiniyak ni Rep. San Fernando na itutuloy nila ang pagsulong ng pambansang minimum wage policy upang maipakita na pantay-pantay ang halaga ng bawat manggagawa saan man siya nakatalaga sa bansa. Nakatakdang talakayin ang nasabing mga panukala sa mga darating na pagdinig sa Kongreso.