₱245M Cash sa Isang Araw! SYMS boss umamin sa pagdadala ng kahon-kahong pera sa DPWH
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-09 08:55:23
MANILA — Umamin si Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction Trading, sa Senate Blue Ribbon Committee hearing nitong Lunes na nagdala siya ng kahon-kahong pera sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na umabot umano sa halagang ₱245 milyon sa loob lamang ng isang araw.
Sa pagtatanong ni Senador Jinggoy Estrada, kinumpirma ni Santos ang pagdadala ng cash sa opisina ng dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez. “Yes, Your Honor. Marami po. Boxes ng mga noodles. Minsan yung ₱245 [milyon] minsan, hinahati ko lang kasi hindi puwede ang isang bulto,” ani Santos.
Ayon pa kay Santos, mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, tinatayang umabot sa ₱1 bilyon ang kabuuang perang naihatid niya sa DPWH office. Sinabi ni Hernandez na ang mga kahon ay ibinababa lang sa kanyang opisina at kinukuha ni dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara. “Binababa niya lang sa opisina yung pera na nakakahon, nakasardo ‘yon,” ani Hernandez. “Hindi ko binibigay, kinukuha lang ‘yon ni Alcantara sa office ko”.
Bukod sa usapin ng cash delivery, ibinunyag din ni Santos ang umano’y kalakaran ng “hiraman ng lisensya” sa DPWH. Inutusan umano siya ni Hernandez na manghiram ng contractor’s license para sa mga proyekto. “Ako daw po yung puwede niyang kausapin para manghiram. Eh nakikisuyo po sa akin,” paliwanag ni Santos. “Siyempre po ako po may takot din po ako. Kasi nandoon po ako sa DPWH, nagpa-project po ako. Kung hindi naman po ako susunod sa kanila, paano po ako?”.
Samantala, kinumpirma rin ni Wawao Builders General Manager Mark Allan Arevalo na sapilitang ginamit ang kanilang lisensya. “Sa takot na maapektuhan yung negosyo namin,” ani Arevalo. “Sapilitan nilang ginamit, Your Honor”.
Dahil sa mga alegasyon, parehong na-blacklist ng DPWH ang SYMS Construction Trading at Wawao Builders. Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, pinahinto na ang lahat ng bayad sa mga kontratistang ito habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga umano’y ghost projects sa Bulacan, kabilang ang Barangay Piel sa Baliuag na personal na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Patuloy ang pagbusisi ng Senado sa mga anomalya sa flood control projects, at inaasahang lalawak pa ang imbestigasyon sa mga susunod na linggo.
