Alcantara: yes sa SALN pero tiklop sa bank waiver, phone records
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-10 10:01:35
SETYEMBRE 10, 2025 — Tumanggi si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan district engineer Henry Alcantara na pumirma ng waiver para sa access sa kanyang bank accounts at phone records, sa gitna ng imbestigasyon ng Kamara tungkol sa umano’y iregular na flood control projects.
Sa pagdinig ng House Committee on Infrastructure, tinanong ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno si Alcantara kung bukas siya sa ideya ng pagbibigay ng pahintulot sa mga awtoridad na silipin ang kanyang bank transactions at komunikasyon.
“Wala naman po akong tinatago pero siguro naman po it’s my right to reject yung request niyo,” sagot ni Alcantara.
Dagdag pa niya, “I would like not to sign the waiver because there’s something personal. May pampamilya po dyan.”
Bagama’t hindi pumayag sa waiver, sinabi ni Alcantara na handa siyang magsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) habang siya ay nasa serbisyo pa sa DPWH.
Noong nakaraang araw, nanawagan si Diokno sa mga opisyal ng DPWH at mga mambabatas na isinasangkot ng mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya sa mga alegasyon ng katiwalian, na isapubliko ang kanilang SALN at pumirma ng bank secrecy waivers upang linisin ang kanilang pangalan.
Sa ngayon, nananatiling sentro ng tanong kung bakit ayaw ni Alcantara magbukas ng kanyang bank at phone records, lalo na’t isa siya sa mga dating opisyal na nadadawit sa mga proyektong pinagdududahan ang integridad.
Patuloy ang pagdinig ng InfraComm sa mga alegasyon, habang hinihintay ang tugon ng iba pang sangkot na opisyal.
(Larawan: Philippine News Agency)