Marcoleta, iginigiit na gawing state witness ang mag-asawang Discaya — may kuntsabahan ba?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-15 16:14:46
SETYEMBRE 15, 2025 — Pinagdududahan ngayon ang rekomendasyon ni Rep. Rodante Marcoleta na gawing state witness ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya kaugnay ng iniimbestigahang anomalya sa pondo ng gobyerno. Sa halip na igiit ang pagbabalik ng perang nakuha ng mga Discaya, sinabi ni Marcoleta na hindi ito kailangan para sila'y maprotektahan bilang saksi.
Sa panayam, iginiit ni Marcoleta na sapat na umano ang testimonya ng mag-asawa para mapabilang sila sa Witness Protection Program. Hindi na raw kailangang isauli ang pera, isang hakbang na agad kinuwestiyon ni Senate President Tito Sotto.
“Tell-all ba ‘yung pagiging state witness nila o tell half?” tanong ni Sotto.
Ayon kay Sotto, hindi pa ito pinal at pag-uusapan pa nila ni Sen. Ping Lacson, bagong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa likod ng rekomendasyong ito, lumilitaw ang tanong: May ugnayan ba si Marcoleta sa mga Discaya?
Hindi rin malinaw kung paano nakuha ng mag-asawa ang tiwala ni Marcoleta, lalo’t sila mismo ang sangkot sa kontrobersya. Sa halip na igiit ang accountability, tila mas pinili ni Marcoleta ang proteksyon.
Habang inaantabayanan ang desisyon ng Senado, nananatiling palaisipan sa publiko kung may mas malalim na koneksyon sa pagitan ng mambabatas at ng mag-asawang Discaya.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
