Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd tiniyak: ₱928.52B budget sa 2026, direktang mapupunta sa guro at mag-aaral

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-17 19:06:01 DepEd tiniyak: ₱928.52B budget sa 2026, direktang mapupunta sa guro at mag-aaral

Seryembre 17, 2025 – Mas pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang kanilang pagtutok sa kalidad ng edukasyon matapos isumite ang panukalang ₱928.52 bilyong budget para sa 2026. Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, bawat piso mula sa pondo ay nakalaan para sa direktang benepisyo ng mga guro at mag-aaral sa buong bansa.


 “Mas pinapalakas pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang laban para sa kinabukasan ng bawat batang Pilipino. Sa ₱928.52 bilyong panukalang budget para sa 2026, tiniyak natin na bawat piso ay direktang mapupunta sa guro at mag-aaral,” ani Angara sa isang opisyal na pahayag.


Batay sa inilabas na plano ng DepEd, kabilang sa mga pangunahing proyekto at programa ang:

₱13.2 bilyon – pagtatayo ng halos 4,900 bagong silid-aralan sa 2026, na may target na umabot ng 40,000 classrooms pagsapit ng 2028 katuwang ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

₱11.8 bilyon – School-Based Feeding Program para sa mga bata sa kindergarten at mga estudyante mula Grade 1 hanggang 6 na kulang sa nutrisyon.

₱16 bilyon – pagbili ng laptops para sa mga guro at pagpapalakas ng internet connectivity sa mga pampublikong paaralan.

₱6 bilyon – career progression program para sa promosyon ng mahigit 113,000 guro at school heads.


Ayon sa DepEd, nakatuon ang bawat hakbang sa pagbibigay ng agarang benepisyo sa mga guro at kabataan, gayundin sa pagpapalakas ng imprastruktura, digital learning, at iba pang mahahalagang proyekto.

Giit ng DepEd, ang alokasyon ng pondo ay sumusunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa layunin ng administrasyong Bagong Pilipinas na masiguro ang dekalidad na edukasyon at mapabilis ang pagbibigay ng nararapat na benepisyo sa mga guro.


Dagdag pa ni Angara, ang malawakang pondo ay nakatuon hindi lamang sa konstruksyon o kagamitan kundi sa aktwal na pagbabago sa sistemang pang-edukasyon, upang maramdaman ng mga pamilya, guro, at kabataan ang positibong epekto.

Bilang bahagi ng pagsunod sa rekomendasyong 4% ng GDP para sa edukasyon ng UNESCO, ang ₱928.52B ay bahagi ng kabuuang ₱1.224 trilyon para sa basic at higher education sa 2026. Sinabi ng DepEd at ng Department of Budget and Management (DBM) na ang hakbang na ito ay tanda ng seryosong pagpapahalaga ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon.

Gayunpaman, nananatiling hamon ang monitoring at accountability upang matiyak na ang lahat ng alokasyon ay talagang makarating sa guro at mag-aaral, ayon sa mga opinyon ng ilang education stakeholders.

Pinanindigan ng DepEd na ang bawat hakbang sa paggamit ng pondo ay nakasentro sa pagpapalakas ng edukasyon at sa paghahanda ng kabataan para sa mas maliwanag na kinabukasan. “Ang bawat piso ay puhunan sa kinabukasan ng bawat batang Pilipino,” ani Angara.


Larawan mula kay Sec. Sonny Angara Facebook