Bulacan Governor idineklarang ‘Persona Non Grata’ ang isang mamamahayag dahil sa social media post
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-18 12:39:40
Bulacan – Idineklarang persona non grata ng Gobernador ng Bulacan na si Daniel Fernando ang mamamahayag ng MetroNews Bulacan na si Orlan Mauricio matapos nitong mag-post sa social media na nang-bastos sa Singkaban Festival at nagbatikos sa mga lokal na opisyal kaugnay ng mga proyektong pang-flood control.
“Malisyosong tinawag ni Mauricio ang Singkaban Festival bilang Sikwatan Festival. Ang prestihiyosong Dangal ng Lipi Awards bilang Hangal ng Lip Awards… ako po ay nasaktan sapagkat ang lalawigan ng Bulacan ay hindi dapat mabastos,” ani Fernando noong Lunes sa isang espesyal na sesyon ng Sanggunian ng Lalawigan.
Ayon sa post ni Mauricio, ang gobernador at si 1st District Rep. Danny Domingo ay abala sa mga ceremonial event sa halip na tugunan ang problema ng pagbaha sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Malolos. Isa sa mga pahayag sa post:
"Habang lahat ng taong-binabaha… nakasubaybay sa Senate hearing, yun dapat nagpapaliwanag sa mga Bulakenyo kung bakit sila nagdurusa sa baha dulot ng katiwalian ay abalang abala sa pagdiriwang ng Sikwatan Festival."
Sinabi ni Fernando na maghahain din sila ng cyberlibel complaint laban kay Mauricio at nanawagan sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na bawiin ang kanyang accreditation dahil sa diumano’y malubhang pang-aalipusta sa kultura at identidad ng Bulacan.
Nang tanungin kung maaaring bawiin ang persona non grata declaration kung humingi ng paumanhin si Mauricio, sinabi ni Fernando: “The damage has been done. Kung hihingi siya ng sorry dapat hindi lang sa akin kundi sa lahat ng Bulaceños.”
Iginiit naman ni Mauricio na naninindigan siya sa kanyang mga sinabi at tinawag na “weird at nakakatawang aksyon” ang deklarasyon ng sanggunian. Binatikos niya ang Bulacan officials dahil sa paggamit ng oras at resources para patahimikin ang mamamahayag sa halip na imbestigahan ang umano’y katiwalian sa lalawigan.
Noong Pebrero 2025, naghain si Mauricio ng graft at corruption complaint sa Ombudsman laban kay Fernando kaugnay ng isang ordinansa na nagtaas ng buwis sa ari-arian sa 20 munisipalidad. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling walang desisyon ang reklamo.
