Diskurso PH
Translate the website into your language:

HFMD cases sa QC sumirit ng 722%, karamihan biktima mga bata

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-19 09:39:48 HFMD cases sa QC sumirit ng 722%, karamihan biktima mga bata

QUEZON CITY — Patuloy na binabantayan ng mga lokal na awtoridad ang biglaang pagtaas ng kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa lungsod, kung saan umabot na sa 633 kaso mula Enero 1 hanggang Setyembre 11, 2025, ayon sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).

Ang bilang ay 722% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2024, na ikinabahala ng mga eksperto sa kalusugan. Ayon sa QCESD, 83% ng mga kaso ay mula sa mga batang edad anim na taon pababa, habang 59% ay lalaki at 41% ay babae. Pinaka-vulnerable ang mga sanggol na wala pang anim na buwan, dahil sa mahinang resistensya at limitadong access sa proteksyon.

Ang HFMD ay isang viral illness na mabilis kumalat sa pamamagitan ng direktang kontak sa kontaminadong bagay, pag-ubo, pagbahing, o malapitang pakikisalamuha sa taong may impeksyon. Kabilang sa mga sintomas ang lagnat na tumatagal ng higit sa tatlong araw, rashes sa kamay, paa, at bibig, dehydration, at panghihina ng katawan.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Dr. Rolly Cruz, hepe ng QCESD, na ang pagtaas ng kaso ay maaaring dulot ng pagbabalik ng mga bata sa paaralan matapos ang bakasyon. “Nakabakasyon mga bata, nagpasukan ulit. Ayun nagkaroon ng hawaan. From the community, nadala sa school. Napakalakas makahawa ng HFMD,” ani Cruz.

Bagama’t mataas ang bilang ng kaso, tiniyak ni Cruz na wala pang naitatalang pagkamatay sa lungsod. “Kagandahan nito, wala tayong natatalang namamatay,” aniya.

Naglabas ng paalala ang QCESD sa publiko na ugaliing maghugas ng kamay, iwasang magbahagi ng personal na gamit tulad ng kubyertos at tuwalya, at limitahan ang pakikisalamuha sa mga may sintomas ng sakit. “With your cooperation, we can ensure a safer and healthier Quezon City,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya.

Para sa karagdagang impormasyon at tulong, maaaring makipag-ugnayan sa QCESD sa mga numerong (02) 8703-2759, (02) 8988-4242 local 1609, o 0962-274-7107.

Patuloy ang kampanya ng lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng HFMD, lalo na sa mga paaralan at komunidad, sa pamamagitan ng edukasyon, disinfection, at mas mahigpit na monitoring ng mga kaso.