Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Hindi siya kapit-tuko sa kanyang posisyon’ — Pagbibitiw ni Romualdez, hinangaan ni Ex.-Rep. Ace Barbers

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-19 22:50:36 ‘Hindi siya kapit-tuko sa kanyang posisyon’ — Pagbibitiw ni Romualdez, hinangaan ni Ex.-Rep. Ace Barbers

MANILA Pinuri ni dating Kinatawan Robert Ace Barbers ang desisyon ni Martin Romualdez na magbitiw bilang Speaker ng House of Representatives, na aniya’y malinaw na patunay na hindi ito “kapit-tuko” sa kapangyarihan.

Sa pahayag ni Barbers nitong Biyernes, Setyembre 19, iginiit niyang kahanga-hanga ang ginawang hakbang ng dating Speaker dahil ipinakita nito ang kanyang kahandaang magsakripisyo alang-alang sa integridad ng Kamara.

“Sa kanyang boluntaryong pagbibitiw, labis akong napahanga sa pagkatao ng ating Speaker sapagkat ito’y pagpapatunay na hindi siya kapit-tuko sa kanyang posisyon at handa siyang magsakripisyo upang hindi masira ang respeto at integridad ng House of Representatives bilang institusyon, kabilang na ang mga kasapi nito,” ani Barbers.

Dagdag pa niya, ang pagbibitiw ni Romualdez ay nagbibigay ng malinaw na mensahe na ang liderato sa Kamara ay hindi nakatali sa pansariling interes, kundi sa kabutihan ng buong institusyon.

Ang biglaang pagbibitiw ni Romualdez ay nagdulot ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko at mga mambabatas. Habang ang ilan ay nagpahayag ng pagkabigla, marami rin ang nagbigay-pugay sa kanyang hakbang bilang isang makabayang desisyon na naglalayong maiwasan ang mas malalim na krisis pampulitika.

Samantala, nakatakda nang pumili ang Kamara ng bagong Speaker sa mga darating na araw upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga gawain at panukalang batas. (Larawan: Rep. Robert Ace Barbers - Alas Ng Bayan Fanpage / Fb)