113 arestado, 93 pulis sugatan sa marahas na Sept. 21 kilos-protesta sa Maynila
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-22 10:27:05
SETYEMBRE 22, 2025 — Umabot sa 113 katao ang inaresto habang 93 pulis ang nasaktan sa magulong kilos-protesta noong Setyembre 21 sa Maynila, ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD).
Nagkagulo sa tatlong lugar — sa Ayala Bridge, Mendiola, at Recto — kung saan naganap ang batuhan ng bato, pagsusunog ng gulong, at paninira ng ari-arian.
Sa Ayala Bridge, 51 ang dinakip: 38 adults at 2 menor de edad na dinala sa Manila Reception and Action Center. Samantala, 11 pang kabataan na isasailalim sa pagsusuri kung may sapat na pag-unawa sa ginawa.
Sa Mendiola, 21 ang nahuli (14 adults, 7 menor de edad), habang sa Recto, 41 ang inaresto (13 adults, 28 menor de edad).
Sa hanay ng pulisya, 8 ang nagtamo ng hiwa sa katawan, 9 ang isinugod sa Philippine National Police General Hospital, at isa ang posibleng ma-confine dahil sa bali sa ilong. May 75 pang pulis ang tinulungan sa lugar dahil sa mga sugat ngunit hindi na kinailangang dalhin sa ospital.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, karamihan sa mga nagpasimuno ng kaguluhan ay mga nakamaskarang kabataan. Nagsimula ang gulo nang sindihan ng ilang hindi pa nakikilalang kabataan ang mga gulong sa harap ng container van na ginagamit ng mga awtoridad bilang harang.
Naghagis ng bote, pintura, at bato ang mga nagprotesta, dahilan para gumamit ng riot shield ang mga pulis.
Nasaktan din si Super Radyo dzBB reporter Manny Vargas habang nag-uulat nang live sa Facebook.
“May mga menor de edad na nagsabing gusto nilang makarating sa Malacañang at sunugin ito,” aniya.
Itinanggi naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na konektado sa kanila ang mga grupong nagkagulo sa Mendiola.
Ayon kay BAYAN president Renato Reyes, “The Bayan program had ended, we were already leaving via organized dispersal when a commotion broke out in Mendiola. Stones were being thrown, and I got hit in the face.”
(Tapos na ang programa ng Bayan, paalis na kami sa maayos na paraan nang biglang nagkagulo sa Mendiola. May mga naghahagis ng bato, at tinamaan ako sa mukha.)
Dagdag pa niya, “The people who stayed in Mendiola were angry, years of pent-up anger. We don’t know who the groups were. They’re not affiliated with BAYAN. But we could sense their anger. And even after we ended the program, they stayed on.”
(Ang mga taong naiwan sa Mendiola ay galit, bunga ng matagal na kinimkim na damdamin. Hindi namin kilala ang mga grupo. Hindi sila konektado sa BAYAN. Pero ramdam namin ang galit nila. At kahit tapos na ang programa, nanatili sila roon.)
(Larawan: YouTube)
