Corruption 101: Curlee Discaya nag-lecture sa senado kung pano nagnanakaw sa DPWH bidding
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-23 13:00:06
MANILA — Matindi ang naging pahayag ni Curlee Discaya sa Senate hearing matapos niyang isiwalat ang umano’y sistematikong pandaraya sa proseso ng bidding sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Ayon sa kanya, kontrolado ng mga “negosyador,” “taker,” at ilang opisyal ng Bids and Awards Committee (BAC) ang halos lahat ng proyekto — kaya’t mistulang palabas na lamang ang tinatawag na public bidding.
Sa kanyang testimonya, inilarawan ni Discaya kung paano hinihingi sa mga contractor na ipasilip muna ang kanilang financial documents bago makasali. Kung hindi susunod, agad silang dini-disqualify. Kapag sumali naman, pipilitin silang umatras sa bidding o pipressure-in sila ng mga district engineer at negosyador.
“Bago ka makapag-drop ng bidding, kailangan ipasilip mo ang financial documents. Pag hindi, i-disqualify ka. Kasi may appointed taker na sila. Kapag nakisama ka, may share ka. Kapag hindi, maihirapan ka sa implementation,” paliwanag ni Discaya.
Dagdag pa niya, sa maraming bidding na nasalihan nila, 2 o 3 lamang ang pinapayagang sumali, at halos dikit-dikit ang presyo ng mga bid para magmukhang lehitimo ang proseso. Kapag may nagbigay ng mas mababang presyo, madalas daw dinidisqualify ito ng BAC gamit ang teknikalidad upang mapaboran ang “taker.”
Papel ng mga “Taker” at “Royalty”
Ayon kay Discaya, ang “taker” ay yaong mga may-ari na ng proyekto dahil nabili na nila ito mula sa isang kongresista o may koneksyon sa loob ng DPWH. Sila ang nagbibigay ng porsyento o “share” sa ibang contractors na sumasali ngunit talo na sa umpisa.
Samantala, may tinatawag din umanong “royalty” — mga taong may hawak ng lisensya na ipinapahiram sa maliliit na contractor na walang kapasidad para makilahok sa bidding. Ang bayad sa royalty ay kadalasang 3–5% ng halaga ng proyekto.
“Ang totoong gumagawa ng proyekto ay mga contractor na walang sapat na kapasidad. Pero kailangan nilang umarkila ng lisensya kapalit ng porsyento,” sabi ni Discaya.
Pakikialam ng mga Politiko
Binanggit din ni Discaya ang papel ng mga kongresista sa pagluluto ng bidding. Ayon sa kanya, sila mismo ang nagrereserba ng proyekto para sa paboritong contractor o negosyador, at ginagamit ang kanilang impluwensya para i-pressure ang iba pang kalahok na umatras.
“Ang mga contractor ay nagbibigay ng advance sa mga politiko para ma-reserve ang proyekto. Kapag lumaban kami, tinatakot kami ng DE at sinasabing ibablacklist kami sa ilalim ng 3-strike policy. Kapag hindi pa rin sumunod, mismong mga tao ng congressman ang tatawag para magpwersa sa amin,” dagdag niya.
Mula pa 2012, aniya, ganito na ang kalakaran. Sa ilang distrito, pinapangalanan pa ang mga negosyador na humaharang sa bidding, gaya ni “Lyn” na umano’y kilalang fixer sa ilang proyekto.
Palabas na Proseso
Giit ni Discaya, ang bidding ay ginagawang palabas lamang upang magmukhang sumusunod sa batas, ngunit sa likod nito ay matagal nang may nakatalaga kung sino ang mananalo.
“Ganito ang karamihan sa nagiging proseso sa DPWH. Usually, negotiated na. May nakausap na, may nakabili na ng project mula sa congressman. Ang bidding ay para lang magmukhang lehitimo,” wika niya.
Tinukoy rin niya na ang mga kontratista na hindi pumapayag sa kalakaran ay agad na dinidisqualify, pinapahirapan sa implementation, o tinatakot ng posibilidad ng mutual termination at right-of-way problems.
Ang mga pahayag ni Curlee Discaya ay bahagi ng opisyal na pagdinig ng Senado at kasalukuyang isinasailalim sa beripikasyon. Patuloy ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa DPWH at ang papel ng mga negosyador, district engineers, at mga politiko sa rigged bidding ng flood control at iba pang infrastructure projects.
